May posibilidad na bumisita uli sa Pilipinas si Pope Francis sa 2021.

Pope Francis

Pope Francis

Sa misa na pinangunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma para sa kapistahan ng Sto. Niño ngayong Linggo, inihayag ng arsobispo na pinadalhan nila ng imbitasyon si Pope Francis upang bumisita sa bansa, partikular na sa Cebu, para saksihan ang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Ayon kay Palma, umaasa siyang pagbibigyan ng Santo Papa ang imbitasyon na makiisa sa mga Pinoy na ipagdiwang ang napakahalagang okasyon sa kasaysayan ng Katolisismo sa Pilipinas.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Inaasahan namang magiging napakalaking pagtitipon ang naturang okasyon para sa mga Katoliko, lalo na dahil 2013 pa nang simulan ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang paghahanda para rito.

“Let us pray that the pope will come here,” sinabi ni Palma, dating pangulo ng CBCP.

Dakong 6:00 ng umaga ngayong Linggo nang pinangunahan ni Palma ang misa para sa kapistahan ng Sto. Niño sa Cebu, at sa kanyang homiliya, pinaalalahanan niya ang mga Katoliko na hindi dapat na mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga problemang kinakaharap, dahil hindi sila nag-iisa.

Aniya, dapat din na magtiwala at patuloy na manampalataya ang mga tao sa Panginoon, dahil kailanman ay hindi Niya tayo binigo at pinabayaan.

Kuwento niya, noong sinaunang panahon ay mga pagano ang mga Pinoy hanggang sa dumating ang Sto. Niño sa bansa noong 1521.

“It is the Sto. Niño who found us and showed us His love,” sabi ni Palma.

Aniya, kahit hindi karapat-dapat ang tao ay ginawa tayong mga anak ng Diyos, kaya dapat lang na pasalamatan natin ang Panginoon sa walang maliw na pag-ibig sa atin.

May temang “Sto. Niño: Guide of God's Children to Service and Humility” ngayong taon, katuwang ni Palma sa misa para sa pista ng Sto. Niño sina Palo Archbishop John Du, retired Bishop Antonio Rañola, at 40 pang pari.

Mary Ann Santiago