Kumpiyansa ang Malacañang na maaaprubahan na ng Kongreso ang panukalang 2019 national budget sa susunod na buwan, pagkaraan ng dalawang linggong pagkaantala nito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na tiwala ang Palasyo na malaki ang malasakit ng mga mambabatas sa pagtiyak sa sapat na pondo para sa implementasyon ng mga infrastructure projects, social services, at iba pang programa ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ng gobyerno ang reenacted budget kasunod ng pagkabigo ng Kongreso na aprubahan noong nakaraang buwan ang proposed P3.757-trilyon General Appropriations Bill para sa 2019, nitong nakaraang buwan.
“Hindi na kailangan. I am sure they will be passing that naman. They are all concerned with the services, the infrastructures that will be affected,” sinabi ni Panelo sa pulong balitaan sa Malacañang kahapon. “Parang ang dinig ko February eh, most like first or second week of February,”
Inihayag ni Panelo na nauna nang ipinahayag ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na maipapasa ng Kongreso ang nasabing panukala.
“I was with the Speaker Arroyo, she mentioned that most likely it will pass. Wala siyang sinabi, but sabi niya almost passed na iyon,” sabi nito.
Matatandaang nabalam ang pagkakaapruba ng naturang national budget dahil sa umano’y mga iregularidad, kabilang na ang umano’y pagkakasingit ng aabot sa P75 bilyon sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
-Genalyn D. Kabiling