TULOY ang suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbabalanglas ng mga bagong programa ng Department of Education (DepEd) at Local Government Units (LGUs) sa layuning makapaghubog ng mga bagong talento na mahahasa para sa National Team.

Ayon kay PSC chairman William “Buttch” Ramirez, ang mga top athletes sa gaganaping Palarong Pambansa sa Davao City ay bibigyan ng tulong pinansiyal ng ahensiya para mas masanay at mapasama sa National Team.

“These oustanding athletes will undergo special training and will then be sent to compete in ASEAN and in ASIAN meets,” pahayag ni Ramirez.

Bago natapos ang taong 2018, ay pinagtibay ng PSC ang kanilang pagsasanib puwersa sa Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan mismo nina Ramirez at ilang mga kinatawan ng Kawanihan ng Edukasyon.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Naniniwala si Ramirez na ang kanilang pakikipagsanib puwersa sa DepEd ay makakatulong sa pagpapalawig ng ahensiya ng kanilang proyekto para sa grassroots sports program.

Makikipagtulungan din ang dalawang ahensiya sa Department of Health, Technical Education at Skills Development Authority, Commission on Higher Education at sa Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Ramirez na hindi magiging kumpleto ang kanilang pagsasakatuparan sa grassroots sports program kung wala ang tulong ng DepEd at mga nasabing kawani ng gobyerno.

“We feel that there’s something lacking, so we will be partnering with them to forge grassroots program in sports,” ani Ramirez.

Ang Palarong Pambansa ay ilalarga sa Abril 28 hanggang Mayo 4.

-Annie Abad