Bawal na ang pagdadala ng baril at iba’t ibang uri ng deadly weapon sa pagsisimula ng gun ban sa Enero 13, dahil na rin sa idaraos na midterm elections sa Mayo.
Ito ang abiso ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde at sinabing simula sa nasabing petsa ay suspendido na ang pagpapalabas ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR).
Ipinagbabawal din sa mga sibilyan ang pagbitbit ng baril sa labas ng bahay.
Ang sinumang lalabag sa election gun ban ay aarestuhin at ipaghaharap ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code.
Payo ni Albayalde sa mga nagnanais ma-exempt mula sa gun ban, dapat silang mag-apply para sa naaangkop na sertipiko ng awtoridad mula sa Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP).
Sa ilalim ng RA 7166 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act), walang sinuman ang maaaring magdala ng baril sa mga pampublikong lugar, katulad ng gusali, kalye, parke, pribadong sasakyan, pampublikong sasakyan, kahit na may lisensiya, dahil kinakailangan pa rin ng pahintulot ng Comelec.
Maglalatag din ng checkpoint ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa iba’t ibang lugar sa buong bansa sa election period.
Tatagal ang gun ban hanggang Hunyo 12.
-Fer Taboy