DISYEMBRE 13, 2018 nang makasama si Pangulong Rodrigo Duterte ng aming pamilya sa pagpapasinaya sa bagong Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Las Piñas, at sa Mella Hotel sa C5 Extension sa Barangay Pulang Lupa, Las Piñas City.
Itinayo ang bagong drug rehabilitation facility sa lupaing dating pagmamay-ari ng Philippine Reclamation Authority (PRA), na nabili ng Department of Health (DoH) sa pamamagitan ng 2018 GAA budget nito.
Sinagot ng aming pamilya, sa pamamagitan ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (SIPAG) Foundation, ang pagpapaayos sa dalawang gusali upang ito ay maging Las Piñas Drug Rehabilitation Center, na para sa mga biktima ng droga sa katimugang Metro Manila at sa kalapit na probinsiya ng Cavite.
Katuwang din sa makabuluhang proyektong ito ang Department of Interior and Local Government (DILG), ang Vice Mayors League of the Philippines (VMLP), at ang Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP).
Ito ang aming munting kontribusyon sa kampanya laban sa ilegal na droga. Habang tinutugis ng ating Philippine National Police (PNP) ang mga drug lord at tulak, mahalagang mabigyan natin ng pagkakataon ang mga nagdesisyong magsimulang-muli na baguhin ang kanilang buhay.
Saklaw ng programa ang ating inisyatibo na turuan ang mga biktima ng droga ng kaalaman sa pagtatanim bilang kanilang mapagkakakitaan. Kinakatawan ng pasilidad ang ikalawang pagkakataon para sa mga piniling mabuhay sa kaayusan kasama ang isang maayos na komunidad. Bukod sa pagtatanim, tuturuan namin ang mga drug dependent ng paghahalaman, pag-aalaga ng hayop, pagnenegosyo, at iba pang kaalaman na kakailanganin nila bilang mga produktibong mamamayan ng lipunan.
Bawat isa sa atin ay karapat-dapat na mabigyan ng ikalawang pagkakataon. Lahat tayo ay nagkakamali. Minsan sa ating buhay ay nagkakamali tayo sa pagdedesisyon. Pero kung magpapakita ng pagsisisi ang isang tao at ng determinasyong magbagong-buhay, kailangang bigyan ng lipunan ang taong ito ng oportunidad para magbago.
Sinuportahan namin noon si Mayor Duterte sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo at patuloy namin siyang sinusuportahan hanggang ngayon dahil ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng buong bansa. Patuloy kaming naniniwala sa mga isinusulong niya kaya naman siya ang pinagkatiwalaan ng milyun-milyong Pilipino—kapayapaan at kaayusan, soberanya, at kaunlaran.
Marami ang nagulat nang piliin si Mayor Duterte ng 16 na milyong botante upang maging lider nila. Pero hindi ko ito ikinabigla. Naiintindihan ko kung bakit naging malinaw ang kanyang ipinaglalaban para sa mga Pilipino na personal na nasaksihan kung paano winasak ng droga ang kanilang mga pamilya, kung paanong pinatay ng droga ang kanilang mga mahal sa buhay, at kung paanong dahil sa droga ay hindi na masasabing ligtas ang kani-kanilang komunidad.
Maigting na ipinatupad ng Pangulo ang batas upang masawata ang mga nagbebenta ng ilegal na droga, na patuloy na sumisira sa kinabukasan ng ating bansa. Natutuwa ako na sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga drug rehabilitation programs, ay ipinamalas din ng Presidente ang kanyang pagiging makatao. Siya mismo ang unang umamin na mayroon din siyang mga naging pagkakamali sa buhay, at lahat ng tao ay karapat-dapat lang na bigyan ng ikalawang pagkakataon.
Ang malinaw lang ay naging napakalawak na ng problema sa droga kaya kinakailangan na ang kontribusyon ng bawat isa upang matagumpay itong matuldukan. Hindi sapat ang political will ng Pangulo, hindi rin sapat ang masigasig na pagtupad ng PNP sa tungkulin nito, kailangan natin ang pagtutulung-tulong ng mga kasapi ng komunidad—sa pag-uulat ng mga krimen, sa pagtulong sa mga gumagamit ng droga na magbagong-buhay, at sa pagsusulong ng kamulatan ng kabataan laban sa mapaminsalang problemang ito.
-Manny Villar