DALAWANG makabuluhang panawagan ng dalawa ring ahensiya ng gobyerno ang pinaniniwalaan kong magbubunsod ng pulitikang ligtas sa illegal drugs o drug-free politics. Kaakibat din ito ng paglalatag ng mga patakarang magiging batayan ng mga mamamayan sa pagpili ng mga kandidato sa napipintong halalan.
May lohika ang kahandaan ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), halimbawa, sa pagsasagawa ng surprise drug tests sa mga kandidato sa iba’t ibang puwesto. Maaaring totoo na ang gayong pagsisikap ay itinuturing na labag sa batas, magastos at mahirap ipatupad. Subalit kapani-paniwala na ang naturang ahensiya ay nakahandang gampanan ang sinumpaang tungkulin nito na lipulin ang mga bawal na droga sa bansa.
Sa mula’t mula pa, ang PDEA ang pangunahing ahensiya o lead agency ng kampanya ni Pangulong Duterte laban sa illegal drugs. Katunayan, lumilitaw sa estadistika na umaabot na sa 164,265 ang naarestong drug personalities sa pagsisimula ng kasalukuyang administrasyon; kabilang dito ang 260 halal na opisyal sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maliwanag na marami pa rin ang mga pulitiko na ayaw bumitiw sa kasumpa-sumpang bisyo.
Sa kahawig na panawagan, hiniling din ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ilantad na ang narco-list o listahan ng mga pulitiko na kasangkot sa ipinagbabawal na droga. Ang naturang listahan na malimit ipangalandakan ng Pangulo ay sinasabing kinapapalooban ng mga pulitiko na walang ibang puhunan sa pangkandidato kundi limpak-limpak na drug money.
May lohika rin ang nasabing kahilingan na natitiyak kong magiging epektibong batayan ng mga botante sa pagtimbang ng mga katangian at kakayahan ng mga dapat maging lider ng bansa. Hindi lingid sa ating kapatiran na maraming pulitiko ang kapanalig ng mga drug syndicate na kasangkot ng mga drug smugglers. Gusto kong maniwala na ang ilan sa kanila ay kasabuwat sa importasyon ng bilyun-bilyong pisong illegal drugs na hinihinalang sadyang pinalulusot sa Bureau of Customs (BoC).
Dahil sa ganitong nakapanggagalaiting sistema, dapat lamang asahan ang patuloy na pamamayagpag ng mga narco-politicians. Tiyak na pakikilusin nila ang drug-money sa pagbitag sa mga botante, lalo na ang may mahigpit na pangangailangan.
Dito masusubukan ang katapatan o honesty ng sinuman sa pagpili ng matitinong lider.
-Celo Lagmay