MISTULANG taon ng mga kababaihan ang 2018 pagdating sa larangan ng sports matapos na maguwi ng apat na gintong medalya ang limang magigiting na kababaihan mula sa tatlong sports buhat sa kanilang pagsabak sa nakaraang 18th Asian Games na ginanap sa Indonesia nitong nakaraang Agosto.

golf team, diaz, didal

Nanatiling siksik at liglig ang suwerte kay weightlifting star Hidilyn Diaz, habang napukaw ang atensyon ng madla sa street skateboarding sa tagumpay ni Cebuana Margielyn Didal, at pinatingkad nina golfer Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go ang katayuan ng bansa sa international golf.

Unang nagbigay ng ginto para sa Pilipinas ang Rio Olympics silver medalist na si Diaz matapos magreyna sa kanyang 53kg category sa weightlifting na agad namang sinundan ng isa pang ginto buhat kay Saso sa individual golf event para tampukan ang ratsada ng koponan sa team competition.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Naging usap-usapan naman ang extreme sports na skareboarding sa panalo ni Didal para masikwat ang ikaapat na gintong medalya sa quadrennial meet.

“Women empowerment. Babae ngayon ang nagdala,” pabirong pahayag ni Diaz, patungkol sa kabiguan ng boxers at iba pang pambato ng bansa na makasikwat ng gintong medalya sa Asiad.

“Masaya ako at nakapagaambag ang mga babaeng atleta sa kampanya ng bansa sa malalaking international event tulad ng Asian Games. Hopefully, sa SEA Games next year, mas maraming atletang Pinay na makapagambag ng tagumpay sa bansa,” pahayag ni Diaz, target ang ikatlong sunod na Olympics sa 2020 Tokyo Games.

Hindi lamang gintong medalya ang siyang naiuwi ng mga atletang kababaihan buhat sa nasabing quadrennial meet.

Bukod sa mga nabanggit na mga kababaihan na nagbigay ng karangalan sa bansa, nag- uwi din ng medalya ang siyam pang magagaling na Pinay.

Sina Pauline Lopez at Agatha Wong wushu ang mga unang kababaihan na nagambag ng bronze para sa Pilipinas na sinundan ng mga kasanggang sina Juvenile Faye Crisostomo, Rinna Babanto at Janna Dominique Oliva.

Kasunod nito ay naglagay din ng bronze medal para sa koleksyon ng Pilipinas buhat sa Asian Games sina Cherry May Regalado ng pencak silat, Junna Tsukii ng karate at si Meggie Ochoa ng ju-jitsu.

Inaasahang maduduplika o hihigitan pa ng mga Pinay athletes ang kanilang performance sa darating na 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa.

-ANNIE ABAD