Paiikliin ng Light Rail Transit (LRT)- Line 2 ang mga biyahe nito ngayong Pasko at Bagong Taon.

Sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), nabatid na ang pagpapaikli ng mga biyahe ng LRT-2 ay kaugnay ng inaasahang kakaunti kaysa karaniwan ang mga pasahero sa nasabing mga araw, at para na rin makasama ng mga empleyado ang kani-kanilang pamilya sa pagdiriwang.

Sa inilabas na holiday schedule ng LRT-2, nabatid na mula sa dating 10:00 ng gabi ay magiging 8:00 ng gabi na lang ang huling biyahe ng mga tren nito mula sa Santolan Station sa Pasig, patungong Recto Station sa Maynila ngayong Lunes, Disyembre 24, bisperas ng Pasko.

Ang huling tren naman mula sa Recto Station ay aalis ng 8:30 ng gabi, sa halip na 10:30 ng gabi, na dating schedule nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, sa Lunes, Disyembre 31, ang huling tren mula sa Santolan Station ay aalis ng 7:00 ng gabi mula sa regular nitong schedule na 10:00 ng gabi, habang ang huling tren mula sa Recto Station ay bibiyahe ng 7:30 ng gabi mula sa dating schedule na 10:30 ng gabi.

Una nang naghayag ng pinaikling biyahe ang Metro Rail Transit (MRT)-3 at LRT-1 kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

-Mary Ann Santiago