ISANG mainit na usapin ngayon ang tungkol sa plano ng gobyerno na gawing terminal ng natural gas sa Southeast Asia ang Pilipinas. Ito ang kanilang nakikitang solusyon para sa nalalapit na pagkaubos ng natural gas sa Malampaya. Kung susuriin, kapag natuloy ang planong ito, mapipilitan ang Pilipinas na umangkat ng natural gas mula sa ibang bansa. Makabubuti ba ito sa ating ekonomiya? Ito nga ba ang pinakamainam na solusyon para sa problema na nais nilang solusyonan?

Ang batid ng karamihan ay hanggang 2024 na lamang pakikinabangan ang Malampaya Gas Field, pero ayon sa mga eksperto, mayroon pa ring natural gas ang Malampaya pagkatapos ng 2024. Ang tanging magtatapos sa Malampaya pagdating ng taong 2024 ay ang kontrata ng kasalukuyang operator nito. Sa puntong ito, tama ba at mas makabubuti para sa Pilipinas ang pag-angkat ng natural gas mula sa ibang bansa kung mayroon pa naman palang natural gas sa Malampaya sa pagtatapos ng 2024?

Ibig sabihin nito, may oras at panahon pa ang gobyerno na galugarin ang bansa at ang mismong lugar sa paligid ng Malampaya na sinasabing malaki ang pag-asa na mayroong indigenous gas. Sakto naman at tila tuluy-tuloy na ang progreso ng panukalang batas ni Senator Sherwin Gatchalian, ang Energy Virtual One Stop Shop (EVOSS), na maaaring makapagpabilis sa isasagawang exploration kung sakali.

Kahit hindi eksperto sa pag-analisa ng galaw ng ekonomiya ay alam na mas mainam sa kahit anong bansa ang pagkakaroon ng indigenous sources kaysa ang umangkat pa mula sa ibang bansa.

Anumang pagtaas ng import sa bansa ay mangangahulugan ng pagbaba ng presyo ng piso. Bakit tayo aangkat kung may posibilidad na may makukuhanan sa sarili nating bansa? Para na rin natin piniling maging magastos kahit puwede namang makapagtipid.

Hindi pa nga nasusubukan na humanap ng indigenous gas sa ating bansa ay magpapasiya na agad ang gobyerno na umangkat na lang. Ang desisyong umangkat ng produkto, partikular na ang natural gas, mula sa ibang bansa ay nangangahulugan ng pagtaas ng gastos ng gobyerno. Ang natural gas kasi ay dapat nasa frozen form, kapag inangkat.

Tataas lang ang gastos ng gobyerno nang hindi man lamang natin nasusubukan na maghanap ng sariling pagkukuhanan ng natural gas. Bago tayo humanap ng solusyon sa ibang lugar ay subukan muna sana nating humanap ng solusyon dito sa sarili nating lupa, dahil ang pagkakaroon ng sariling mapagkukuhanan ng natural gas ay mas mainam para sa ekonomiya sapagkat ito ay solusyong pangmatagalan.

oOo

Si Catriona Gray, isang Pilipina, ang napiling Miss Universe sa beauty pageant na ginanap sa Thailand. Talagang namumukod-tangi ang mga dalagang Pilipina. Dangal sila ng Pilipinas. Hindi lang sa kagandahan kilala ang mga Pinay kundi sa katapangan at pagiging makabayan. Pinatunayan ito ni Gabriela Silang, Tandang Sora (Melchora Aquino), Teodora Alonzo (ina ni Rizal), Gregoria de Jesus at maraming iba pa.

oOo

Para kay Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, hindi dapat gamitin ang kapangyarihan sa pambu-bully sa kapwa-tao. “Tagle: Don’t use power for bullying”. Ito ang balita ng isang pahayagan noong Lunes. Sa unang araw ng Simbang Gabi, pinaalalahan ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan sa pananakot sa ibang tao.

Pahayag ni Tagle: “Do not bully anyone. Do not use your power to disrespect others. Do not use your power to coerce others”. Ito ang kanyang homily sa Manila Cathedral noong Linggo, unang araw ng Simbang Gabi. Eh, sino ba ang may kapangyarihan dito sa ating bansa? Sino ba ang pinatatamaan mo, mabunying Cardinal? Maraming tao ang dumagsa sa mga simbahan sa iba’t ibang lugar ng kapuluan.

-Bert de Guzman