MAKAILANG ulit nang nakakukumpiska ang mga awtoridad ng bilyong pisong halaga ng mga pekeng sigarilyo ngunit parang wala pa yata akong maalala na pinangalanan nilang mga may-ari ng mga bodega o pabrika na sinalakay, hanggang sa mabaon na lamang sa limot ang kanilang naging malaking operasyon.
Nasanay kasi ako noong nagko-cover at sumasama sa mga malalaking operasyon ng mga pulis na agad humaharap sa media ang pinakapinuno ng operating unit mula sa Philippine National Police (PNP) at iba pang opisyal ng mga kasamang opisina ng pamahalaan – na kadalasan ay mula sa Bureau if Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BoC) at National Bureau of Investigation (NBI) -- sa isinagawang raid na palaging may positibong resulta, at agad na inilalahad sa mga reporter ang buong detalye ng natapos na operasyon.
Siyempre ang palaging “bida”ay ang bossing ng operating unit at ang lumalabas naman na mga kontrabida ay ang may-ari o bantay ng bodega na ni-raid ng mga awtoridad. Kumpleto palagi ang detalaye – kasama rito ang pangalan ng mga operator ng illegal na negosyo.
Ngunit sa mga nakaraang raid ng mga awtoridad, gaya ng sa bayan ng Bugallon sa Pangasinan, kung saan ang nakumpiskang kontrabando ay umabot sa bilyones ang halaga, nakapagtatakang mahigit dalawang linggo na ang nakararaan ay wala pa ring nababanggit hinggil sa detalye ng naturang operasyon, maliban sa kabuuang halaga, video at ilang larawan ng mga lumang makinarya na nakumpiska sa loob ng bodega.
Nang tangkain kong magtanong sa ilang kakilala kong operatiba, tinawanan lamang ako at iniwanan ng mga katagang: “Huwag mo na kasing alamin at baka lumikot na naman ang utak mo, kapaglumitaw kung sino ang ‘bossing’ ng sindikadong ito na lubhang tinitingala ng mga nakatira sa lugar.”
Ayon sa operatibang nakausap ko, mga peke ang stamp na ginamit sa kada paketa ng sigarilyo, at sa computation ng BIR na kasama sa naturang raid, umabot sa P2 bilyon ang dapat sana ay kinitang buwis ng pamahalaan sa mga nakumpiskang epektos.
At ito pa ang nakapagtataka – ang 20 trabahador na nasakote sa loob ng factory ng sigarilyo ay pawang mga tubong Mindanao na “specifically recruited” – ayon sa kausap kong operatiba – upang pangunahan ang ilegal na paggawa ng pekeng sigarilyo.
At sa pinagsama-samang impormasyon na galing sa mga operatiba ng PNP, BIR at BoC – tila ang tinutumbok na “bossing” ng sindikadong ito ay isang maimpluwensiyang pulitiko sa Northern Luzon, kaya hindi mapangalanan ng mga awtoridad.
Batay sa record, ang halaga ng mga nakumpiska na pekeng sigarilyo at “cigarette paraphernalia” ay umabot na sa P15.5 bilyon gayung ang kabuuang halaga ng pinagsama-samang pekeng epektos ay P17.9 bilyon lamang para sa taong ito.
Ayon sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) nahigitan ng halagang ito, na naitala ng National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR) noong nakaraang tatlong taon, ang dating pinakamataas na halaga na P13.3 bilyon lamang.
Karamihan kasi sa operasyon ng pinagsamang puwersa ng PNP, BIR at BoC ngayong taon ay nauuwi sa pag-raid sa mga pabrika at bodega na iniimbakan ng mga pekeng sigarilyo ng mga kilalang brand name, at iba pang equipment sa paggawa nito.
Malinaw na ‘di biro ang problemang ito,dahil ‘di kayang salingin ng mga awtoridad ang tila “untouchable” na pulitikong ito na patong sa ilegal na negosyo nang pagpapalusot ng pekeng sigarilyo, na maikukumpara na rin sa aktuwal na pagnanakaw ng bilyones sa kaban ng bayan. Kaya upang mawala ang hinala – pangalan na ang mga pulitikong ito.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.