Tinatayang aabot sa 3,000 ang naitalang tinamaan ng tigdas sa bansa ngayong taon, kabilang ang 48 nasawi, ayon sa Department of Health (DoH).
Sa datos ng DoH, mayroon na ngayong 3,793 kumpirmadong dinapuan ng tigdas sa buong bansa.
Ang naturang bilang ay mas mataas ng 735 porsiyento kumpara sa 454 confirmed cases na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala sa National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming kaso ng tigdas, sa 739, na sinundan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may 605.
Habang bumaba naman ang measles cases sa Zamboanga Peninsula na aabot lamang sa 240 kaso ngayomg taon, kumpara sa 259 noong 2017.
Sinisi naman ng DoH ang kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna sa pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa ngayong taon.
Tiniyak naman ng kagawaran na ginagawa nito ang lahat upang mahikayat ang mga komunidad hinggil sa kaligtasan at kahalagahan ng mga bakuna, at maiwasan ang outbreak ng iba’t ibang karamdaman sa bansa.
-Mary Ann Santiago