DETROIT (AP) — Limitado ang kilos ni New Orleans Pelicans star player Anthony Davis matapos masaktan sa kanang balakang. Ngunit, hindi ito sapat para makahirit ang Pistons.

Sa pangunguna nina Jrue Holiday at Julius Randle na kumubra ng 37 at 28 puntos, ayon sa pagkakasunod, diniskaril ng Pelicans ang Pistons, 116-108.

“Just having Anthony on the floor means everything,”pahayag ni Pelicans coach Alvin Gentry. “He might have been closer to 50 percent than 100 percent, but he was still giving us great defense and grabbing big rebounds.”

“We just executed our game plan. Everything was coming extremely easily for Jrue and when he gets rolling, he doesn’t miss,” pahayag ni Randle.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hataw si Blake Griffin sa naiskor na 35 puntos para sa Detroit, habang kumana si Andre Drummond ng 23 puntos at 19 rebounds, at tumipa si Langston Galloway ng season-best 24.

HORNETS 119,

KNICKS 101

Sa New York, ginapi ng Charlotte Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na may 25 puntos at Jeremy Lamb na may 19 puntos, ang New York Knicks..

Kumubra si Tony Parker ng 16 puntos at umiskor sina Marvin Williams at Cody Zeller ng 13 at 12 puntos sa Charlotte na umabante sa pinakamalaking bentahe sa 28 puntos.

Napantayan naman ni Knicks rookie Kevin Knox ang season high na 26 puntos at career high 15 rebounds, habang humugot si Tim Hardaway Jr. ng 21 puntos.

SPURS 110, JAZZ 97

Sa San Antonio, hataw sina DeMar DeRozan na may 26 puntos at walong rebounds at Rudy Gay na tumipa ng 23 puntos at 15 rebounds sa panalo ng San Antonio Spurs kontra Utah Jazz.

Kumabig si LaMarcus Aldridge ng 20 puntos sa San Antonio.

Nanguna si Donovan Mitchell sa Jazz na may 27 puntos, at nagsalansan sina Ricky Rubio ng 26 puntos at Rudy Gobert na kumana ng 12 puntos.

BUCKS 104, RAPTORS 99

Sa Toronto, naisalpak ni Malcom Brogdon ang dalawang three-pointer sa loob ng huling 67 segundo para maungusan ng Milwaukee Bucks ang Raptors.

Naitabla ni Brogdon, umiskor ng 18 puntos, ang iskor sa 99-all bago sinundan ng isa pang long distance shot para maitaas ang Bucks mula sa dikit na labanan. Bumalikat si Bucks star Giannis Antetokounmpo ng 19 puntos at season high 19 rebounds, at humirit si Brook Lopez ng 19 puntos.

Nanguna sa Raptors si Serge Ibaka sa naiskor na 22 puntos, habang tumipa si Kawhi Leonard ng 20 puntos.