KUMPIYANSA sina Asian Games gold medalist Margielyn Didal at Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines (SRSAP) president Monty Mendigoria na makakuha ng magandang puntos para makahirit sa 2020 Tokyo Games sa kanilang paglahok sa Street League Skate Pro Series sa Brazil sa Enero.

Kasamang lalahok ni Didal sa nasabing qualifying round si Oregon based skate athlete Kristiana Means sa isa sa mga serye ng Street Legues na siyang kinokonsidera ng International Federation for Skateboarding and Roller Sports na World Championships ng skateboarding.

"This is not the qualifying round, na kapag nanalo sila pasok na agad, they will just earn points kapag nanalo sila, para mas malaki ang chance na magqualify sa 2020 Olympics," ani Mendigoria.

"There will be many qualifying ranking events. Mas exciting kasi andun yung powerhouse na Brazil team. World number 1 kasi ang Brazil," dagdag pa ni Mendigoria.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakatakdang umalis patungong San Diego California si Didal ngayong darating na Disyembre 20, at handang iwan muna ang pamilya ngayong Pasko upang mag training sa Estados Unidos, saka didiretso sa Brazil para sa kompetisyon na nakatakda sa Enero 3-5.

Ikinatuwa naman ni Didal ang kanyang pagpasok sa nasabing qualifying round na kanyang nakuha nang pumasok ito sa finals ng Street League na ginanap sa Estados Unidos nitong nakaraang Setyembre.

"Nakakatuwa po kasi hindi ko naman akalain na makaksama ako sa qualifying. Sa tingin ko naman po kaya natin na magqualify," aniya.

Samantala, bilang paghahanda sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games, isang international standard skate park ang nakatakdang ipagawa sa Tagaytay, ayon sa presidente ng SRSAP na magagamit hindi lamang para sa biennial meet kundi pati na rin sa pagsasanay ni Didal.

"May kausap ako na contractor yung California Skatepark na gagawa sa venue natin sa Tagaytay. We will share the venue with the BMX free style," ani Mendigoria.

Ayon sa kanya aabot ng US$1milyon ang gagastusin sa International standard na skate park.

Hinihintay na lamang umano niya ang go signal ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) upang pondohan ang nasabing pagpapatayo sa skatepark.

-Annie Abad