DINOMINA ng National University ang Adamson University, 25-17, 25-15, 25-11, upang makasalta sa unang pagkakataon sa finals ng boys division ng UAAP Season 81 high school volleyball tournament nitong weekend sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Tumapos si Mac Arvin Bandola na may 15 puntos na kinabibilangan ng 8 blocks habang nagdagdag si Michael John Fortuna ng 12 puntos, upang pamunuan ang Bullpups.
Sa Miyerkoles malalaman ang makakalaban ng NU sa Finals sa pagitan ng defending champion University of Santo Tomas at Far Eastern University-Diliman.
Nakapuwersa ng decider ang Tiger Cubs matapos talunin ang No.2 seed Baby Tamaraws, 25-15, 25-20, 25-15.
Nakahugot ang Tiger Cubs ng 20 puntos mula kay Lorenz Senoron at 12 puntos kay Jaycon Adeva upang pamunuan ang panalo.
Bukod sa knockout match ng UST at FEU, gaganapin na rin bukas ang simula ng best-of-three championship ng girls division tampok ang tapatan ng 5-peat seeking NU at De La Salle-Zobel.
-Marivic Awitan