SA pagkakahirang ni Pres. Rodrigo Roa Duterte kay Justice Lucas Bersamin bilang bagong Chief Justice ng Supreme Court, ito ang ikatlong beses na na-bypass si SC Senior Associate Justice Antonio Carpio. Sana ay maging malaya na ngayon ang hudikatura at hindi matakot sa Ehekutibo.

Noong 2004 siya unang na-bypass, na panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Ang hinirang ni GMA ay si Renato Corona. Noong 2010 na panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino, na-bypass uli siya. Ang pinili ng binatang Pangulo na ikinamangha ng lahat ay si Ma. Lourdes Sereno na bukod sa kulang sa karanasan sa hudikatura ay napakabata pa.

Labis ang pagtataka ng taumbayan at ng mga eksperto sa batas kung ano ang pumasok sa isip ng solterong Presidente at hindi si Carpio ang kanyang hinirang na most senior at hinog na hinog para maging Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Ang ikatlong kabiguan ni Justice Carpio ay ngayong panahon ni PRRD. Naniniwala ang mga Pinoy na susundin ng ating Pangulo ang pahayag niyang seniority ang pagbabatayan sa pagpili sa SC Chief Justice na kanyang ginawa sa paghirang kay Teresita Leonardo-de Castro kahit ilang linggo lang ito nananatili sa puwesto.

Pumayag si Carpio na maisama ang pangalan sa nominasyon sa pagka-Chief Justice sa paniniwala o pagsubok na paiiralin ni Mano Digong ang seniority rule o tradition na kanyang ipinangangalandakan para sa lahat ng ahensiya at departamento ng gobyerno.

Sabi nga ng mga netizen at mamamayan, nasubukan ni Carpio ang katapatan (o kasinungalingan) ni PRRD tungkol sa isyu ng paghirang na ang susundin niya ay seniority sa puwesto. Walang duda, si Carpio ang pinaka-senior members sa SC. Pero ang malaking hadlang ay magkaiba sila ng prinsipyo at paninindigan ni Mano Digong sa ilang pambansa at internasyonal na isyu, tulad ng West Philippine Sea.

oOo

Determinado ang ating Pangulo na tapatan ng kanyang Duterte Death Squad (DDS) ang Sparrow Unit ng NPA na pumapatay sa mga pulis, sundalo at sibilyan. Gayunman, nagpahayag sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at PNP Chief Director General Oscar Albayalde na armasan ang grupong sibilyan na sasabak sa Sparrow Unit. Nangangamba sina Lorenzana at Albayalde na baka ang DDS ay maging daan sa mga pag-abuso at pagkakamali ng mga pulis at kawal. Buti pa raw ang dalawang opisyal ay nag-iisip at hindi padalus-dalos.

oOo

Isang pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang nanawagan sa mga mananampalataya at mamamayan na huwag nang pansinin ang patuloy na pagbatikos ni PDu30 sa Simbahang Katoliko, mga obispo at pari. Ayon kay Fr. Jerome Secillano, CBCP executive secretary on public affairs committee, hindi dapat seryosohin ng mga tao ang Pangulo.

Ganito ang maanghang na pahayag ni Secillano: “His ignorance of the Church’s workings tells us Catholics that we should neither believe this guy nor even believe him seriously.” Konting preno Fr. Jerome at baka banatan ka ng Presidente. Tulungan na lang natin ang Pangulo.

Sabi nga ni Caloocan Bishop Virgilio David, ang Pangulo ay isang “sick man” o may sakit kung kaya dapat natin siyang ipagdasal. Makatutulong ang mga mananampalataya at mamamayan sa pagdarasal para sa ating Pangulo. Amen, amen, amen.

-Bert de Guzman