NAKATUTOK ang mata ng mga ‘gaming investors’ sa tila masalimuot na ‘bidding’ ng prangkisa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa Small Town Lottery (STL) o LOTTO nito sa Albay.
Nauna rito, isinara ng PCSO ang operasyon ng STL sa Albay dahil hindi makabayad ang dating Authorized Agent Corporation (AAC) doon ng napagkasunduan at itinalagang P75 milyong ‘Presumptive Monthly Retail Receipt (PMRR).”
Tiyak, hindi lang mani-mani ang halagang P75 milyong buwanang babayarang PMRR na dapat tuparin. Dahil nga sa pagkakasara ng STL sa Albay, binuksan ng PCSO ang isang bagong “bidding process” para sa lalawigan, at may 19 na kumpanya ang nag-apply dito.
May kataasan nga marahil ang P75 milyong buwanang babayarang PMRR para sa Albay, kaya hindi nakayanan at natugunan ng dating ACC doon. Natural, maaaring maghain ang mga bidder ng mas mababa kaysa P75M, o kaya parehong halaga o mataas ng kaunti lamang, ngunit tiyak na hindi masyadong mataas dahil para na rin silang nagpatiwakal.
Gayundin naman, bakit igagawad ng PCSO ang isang mas mataas na ‘bid’ kaysa dating deklaradong PMRR kung batid nitong hindi nga iyon makakayanan? Lumalabas tuloy na parang hindi alam ng PCSO ang ginagawa nito, o kaya ay mayroong mali sa sistema.
Maaaring kuwalipikado ang lahat ng ‘bidder,’ ngunit paano magpapasya ang PCSO kung sino dapat ang manalo? Dapat malinaw ang lahat. Dito nga tila nagkakalituhan. Binawi ang prangkisa ng dating ACC dahil hindi makabayad ng buwanang P75M PMRR nitong obligasyon. Kung may makatotohanang balangkas kayo para matugunan ang P75M dapat bayaran, sige mag-bid kayo ng mataas pa ng kaunti, ngunit huwag sobra at baka nagpapatiwakal ka lang.
Samantala, ang mga kumpanyang nagnanasang masungkit ang prangkisa ay ninenerbyos na umano dahil sa “kalabuan ng mga pamantayan” sa pagpili, at kakulangan sa paliwanag kung paano pipiliin ang dapat manalo, maliban sa paniniyak umano ng PCSO na “aalaman” nila kung ano dapat ang magiging resulta
Napag-alaman din na nagrereklamo na ang mga bidder dulot ng paulit-ulit na pagpapaliban sa takdang araw ng bidding dahil sa mga karagdagang bagong requirements na wala naman sa dati, gaya ng P6-milyong ‘bidder’s bond’ na biglang lumitaw bago ‘yung dating takdang araw.
Wala umanong paliwanag umano ang kasunod na pagpapaliban ng takdang araw kamakailan, ngunit may isa pang bidder ang tinanggap ng PCSO sa huling sandali.
Ano nga ba ang nangyayari? Dati akong direktor ng PCSO ngunit ako mismo, hindi ko talaga maintidihan ang mga bagay at nagaganap na ito.
-Johnny Dayang