Raptors, nangunguna sa NBA; Lakers, winalis ng Magic

TORONTO (AP) — Patuloy ang pananalasa ng Raptors. At sa pagkakabigkis ni Kawhi Leonard, tangan ng Toronto ang NBA bestrecord sa 17-4.

Hataw si Leonard sa naiskor na 29 puntos at 10 rebounds, habang kumana si Kyle Lowry ng 12 puntos at 10 assists, sa matikas na 125-115 panalo ng Raptors kontra Miami Heat nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nag-ambag si Jonas Valanciunas ng 17 puntos at 10 rebounds, at kumubra si Pascal Siakam ng 21 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Toronto.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna si Dwyane Wade sa Heat sa season-high 35 puntos, habang humirit sina Josh Richardson at Bam Adebayo ng 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod. Humugot fin si Adebayo ng career-high 21 rebounds, ngunit hindi ito sapat para makaligtas ang Heat sa ikapitong kabiguan sa siyam na laro.

MAGIC 108, LAKERS 104 Sa Los Angeles, minsan lang sa 29 season na nagawang mawalis ng Orlando Magic ang Los Angeles Lakers sa kanilang regular season match-up. Ngayong taon, sa loob lamang ng walong araw, nagawang makaulit ng Magic.

Nagsalansan si Nikola Vucevic ng 31 puntos, 15 rebounds at pitong assists, habang kumubra si Terrence Ross ng 16 puntos, tampok ang go-ahead lay-up sa huling 34 segundo para sandigan ang Magic kontra Lakers. “We’re trying to build something, and wins like these can really help you build some momentum,” pahayag ni Vucevic. Nabasag ni Ross ang huling tabla sa 104-104 matapos sumablay si LeBron James sa kanyang step-back 3-pointer. Mintis din ang pagtatangka ni Kentavious Caldwell-Pope, bago ang dunk ni Aaron Gordon para selyuhan ang panalo ng Orlando.

Nanguna si James sa Lakers na may 24 puntos at pitong assists, habang humugot sina Kyle Kuzma at Brandon Ingram ng 21 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod. CLIPPERS 104, BLAZERS 100 Sa Portland, Oregon, nakumpleto ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Tobias Harris na may 34 puntos at 11 rebounds, ang come-from-behind kontra Portland Trail Blazers.

Kumana si Danilo Gallinari ng 17 puntos sa Clippers, tampok ang tiebreaking jumper may 47 segundo ang nalalabi. Nagtumpok si Damian Lillard ng 30 puntos para sa Portland, umabante ng 13 puntos sa halftime, ngunit sumabak sa second half na wala ang na-injured na starting center Jusuf Nurkic. JAZZ 133, KINGS 112 Sa Sacramento, nagsalansan si Rudy Gobert ng 18 puntos at 15 rebounds, habang umiskor si Ricky Rubio ng 27 puntos, para sa panalo ng Utah Jazz kontra Kings.

Nag-ambag si Joe Ingles ng 18 puntos, tumipa si Jae Crowder ng 14 at hataw si Derrick Favors ng 11 puntos para tuldukan ng Jazz ang three-game losing streak. Naglaro ang Utah na wala ang leading scorer na si Donovan Mitchell bunsod ng bruised ribs.

Sa iba pang laro, natuldukan ng Atlanta Hawks ang 10-game losing skid sa makapigil hiningang 124-123 panalo kontra Charlotte Hornets; ginapi ng New York Knicks ang Memphis Grizzlies, 103-98; dinaig ng Philadelphia ang Brooklyn Nets, 127-125.