KUNG si Chinese Pres. Xi Jinping ang paniniwalaan, nais niyang ang South China Sea (West Philippine Sea) ay gawing isang “karagatan ng pagkakaibigan at kooperasyon” at makapagtatag ng isang mekanismo para sa koordinasyon ng Pilipinas at China upang hindi na ma-harass ang mga mangingisdang Pilipino sa naturang lugar.
Kapag natupad ang pangako ni Pres. Xi na ang SCS-WPS ay maging dagat ng pagkakaibigan ng PH at China, magiging malaya na ang ating mga mangingisda na pumalaot sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) upang muling mangisda tulad ng kanilang ginagawa sa nakalipas na daan-daang taon.
Kugnay nito, rerepasuhin ng Senado ang magkasanib na oil and gas exploration, pati ang 28 iba pang kasunduan, na nilagdaan nang bumisita si Pres. Xi sa Pilipinas noong Nobyembre 20-21,2018. Marami ang nangangamba na baka ang joint exploration ay magkompromiso sa soberanya at mga karapatan ng ating bansa o kaya ay maging isang bitag (debt trap) at lalong malubog sa utang ang ‘Pinas sa China, gaya ng nangyari sa Sri Lanka at iba pang mga bansa na pinautang ng China.
Kahit naipasa na ng Kamara ang P3.757 trilyong pambansang budget para sa 2019, hindi pa rin ito ganap na mapagtitibay sapagkat susuriing mabuti ng mga senador, partikular ni Sen. Panfilo Lacson, na naniniwalang may nakasingit na bilyun-bilyong pisong pork barrel para sa mga mambabatas.
oOo
Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na dahil sa kakapusan ng panahon, malamang na mag-operate ang gobyerno sa pamamagitan ng isang reenacted budget. Nakipagpulong sina Senate Pres. Tito Sotto, Zubiri at iba pang mambabatas kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa Taguig City matapos makipagpulong kay Pres. Xi na paalis na noon, ngunit sinabi ni Sotto na hindi ito mapagtitibay ng Senado at mararatipika ng Kongreso bago matapos ang taon dahil huli na itong isinumite ng Kamara.
oOo
Hiniling ni Sen. Antonio Trillanes IV sa hukuman, na may hawak sa kaso niyang rebelyon, na payagan siyang makapagbiyahe sa ibang bansa, partikular sa Europe at United States. Sa mosyon na inihain sa Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150, sinabi ni Reynaldo Robles, abogado ng senador, na siya ay inimbitahan sa Amsterdam, Barcelona at London mula Disyembre 11 hanggang Enero 12.
Isa sa aktibidad niya sa abroad ay lecture tungkol sa “Demoracy and the Rule of Law in the Philippines” na gaganapin sa Van Amsterdam sa Disyembre 13. Nagsumite sila sa Korte ng mga kopya ng official travel orders na nilagdaan ni Senate Pres. Vicente Sotto III bilang katibayan sa legalidad ng kanyang biyahe. Walang gagastusin dito ang Senado. Ayon kay Robles, si Trillanes ay hindi isang “flight risk”, na pinatunayaan niya nang siya’y payagang magbiyahe sa abroad at nagbalik kahit may mga kaso laban sa kanya.
oOo
Grabe ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila nang bumisita si Pres. Xi sa bansa. May mga nagtatanong kung sino ang responsable sa traffic management sa dalawang araw na pagbisita ng lider ng China. Nagtuturuan ang mga ahensiya ng gobyerno sa mabigat at masikip na daloy ng trapiko nang isara ang mga lansangan. Libu-libong commuters ang na-stranded at maraming motorista ang naipit sa trapiko sa kahabaan ng southbound at northbound lanes ng EDSA, mula Roxas Blvd. sa Pasay hanggang sa Timog Avenue sa Quezon City.
oOo
Magugunitang minura noon ni PRRD si Pope Francis dahil sa pagsisikip ng trapiko nang dumalaw ang Papa sa Pilipinas. Ang Pangulo natin noon na isa pa lang Mayor ng Davao City, ay naipit sa trapiko kung kaya galit na galit siya. Sabi nga ng mga tao ngayon, hindi ba nagmura si PDu30 dahil sa nalikhang “horrendous traffic” ng naturang kaganapan?
-Bert de Guzman