ITATAYA ni Richard Pumicpic maging ang pamato’t panabla para maidepensa ang kanyang world ranking at WBO Asia Pacific featherweight title sa sumisikat na si Musashi Mori sa Linggo(Nobyembre 25) sa Aioi Hall, Kariya sa Aichi, Japan.
“Handang-handa ako sa laban, makikipagbasagan ako ng mukha manatili lang sa akin ang WBO AsPac title,” sabi ni Pumicpic sa Balita.”Ang hirap manalo sa puntos sa Japan pero gagawin ko.”
Natamo ng 28-anyos at tubong Zamboanga del Norte na si Pumicpic ang WBO regional title noong Setyembre 29, 2017 sa pagdaig sa puntos kay two-time world title challenger Hisashi Amagasa sa pamosong Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Unang naidepensa ni Pumicpic ang titulo sa pagdaig kay undefeated Yoshimitsu Kimura via 12-round unanimous decision noong Abril 12, 2018 sa Korakuen Hall din kaya nagmarka siya sa Japanese boxing fans at nakalistang No. 8 kay WBO featherweight champion Oscar Valdez ng Mexico.
Batambata si Mori na 18-anyos lamang pero minamadali ng kanyang manedyer na pumasok sa world ranking kahit nanalo lamang sa Pilipinong si Allan Vallespin sa 8-round majority decision sa kanyang huling laban noong Hulyo 15, 2018 sa Aioi Hall, Kariya, Aichi, Japan.
May rekord si Mori na perpektong 7 panalo. 5 sa pamamagitan ng knockouts kumpara sa beteranong si Pumicpic na may kartadang 21-8-2 win-loss-draw na may 6 pagwawagi sa knockouts at hindi pa napapatulog sa 31 laban.
-Gilbert Espeña