NAGPATULOY ang pagdomina ng Centro Escolar University matapos muling tanghaling kampeon ng 49th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) Seniors Basketball pagkaraang kumpletuhin ang sweep kontra Philippine Women’s University sa bisa ng 78-39 panalo sa Game 2 sa Rizal Memorial Coliseum nitong weekend.

Ang titulo ang ikawalong sunod para sa Lady Scorpions at ang una para sa bago nilang coach na si Michael Buendia.

Inigtingan ng CEU ang kanilang depensa sa fourth period kung saan nilimitahan nila ang Lady Patriots sa 6 na puntos habang nagsalansan sila ng 27 puntos upang matiyak ang panalo at ganap ding mawalis ang kabuuan ng torneo.

Nauna ng tinalo ng Lady Scorpions ang Lady Patriots sa Game 1 noong Nobyembre 11 para sa pinakamaliit nilang winning margin ngayong season na 7-puntos sa iskor na 75-68.

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

Sa unang siyam na laro sa eliminations, nakapagtala ang CEU ng average na 59.9 puntos na winning margin.

Pinangunahan ni Nigerian Mercy Lawan, ang nahirang na Finals MVP, ang panalo sa itinala nitong game-high 17 puntos.

Namuno naman si Charlene Camba sa PWU sa iniskor nitong 12 puntos.

-Marivic Awitan