BUMIYAHE na si IBF No. 1 Mark Anthony Barriga para harapin si IBF No. 3 at Mexican Carlos Licona para sa bakanteng IBF minimumweight title sa Disyembre 1 sa Staples Center sa Los Angeles, California sa United States.

Naging mandatory contender si Barriga ni ex-IBF minimumweight champion Hiroto Kyoguchi ng Japan nang talunin sa puntos si two-time world title challenger Gabriel Mendoza ng Colombia noong nakaraang Mayo 13 sa SM City North EDSA Skydome sa Quezon City.

Pero sa halip harapin si Barriga na payag lumaban sa Japan, minabuti ng wala ring talong si Kyoguchi na umangat ng timbang para hamunin si WBA light flyweight champion Hekkie Budler sa Disyembre 31 sa Wynn Palace Cotai, Macao, China.

Kailangang kumbinsidong talunin ni Barriga si Licona na bagamat tubong Mexico ay matagal nang nanininirahan sa California kaya iginiit ng kanyang handler na magkapatid na sina trainer Robert Garcia at boxer Mikey Garcia na sa US ganapin ang laban para sa homecourt advantage.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Natamo ng 23-anyos na si Licona ang bakanteng WBO Latino minimumweight title sa 10-round unanimous decision laban kay Puerto Rican Janiel Rivera sa sagupaang ginanap sa Ponce, Puerto Rico.

Magsisilbing undercard ang Barriga vs Licona bout sa heavyweight match nina WBC heavyweight champion Deontay Wilder ng US at wala ring talong si dating undisputed heavyweight titlist Tyson Fury ng United Kingdom kaya maraming makakapanood sa Showtime pay-per-view.

Kasama ni Barriga na lumipad pa-US sina trainer Joven Jimenez at stablemate IBF superflyweight champion Jerwin Ancajas. Para sa 25-anyos na si Barriga, hindi niya pinanood ang video ni Licona basta handang-handa siyang harapin ang Mexican.

“’Di ko alam anong style ni Licona,” ani Barriga. “’Di ko pinapanood. ‘Di ako nanonood ng laro ng kalaban.” “Fighter si Licona,” sabi ni Jimenez. “Ang style niya parang si (Felix) Alvarado, ‘yung tumalo kay (Randy) Petalcorin kamakailan lang. Wala lang masyadong power si Licona. Hindi siya kagaya ng mga Mexican champions like (Juan Manuel) Marquez, (Marco Antonio) Barrera o (Erik) Morales na mayroon pampatulog. Pero palaban siya at hindi madaling kalaban. Confident ako na hindi kayang pantayan ni Licona ang skill level ni Mark.”

May rekord si Barriga na siyam na 9 panalo, kabilang ang isang knockouts samantalang si Licona ay may kartadang 13 panalo, 2 lamang sa knockouts.

-Gilbert Espeña