PORT MORESBY - Hinimok ng Pilipinas ang Amerika at China na tuldukan na ang trade war sa pagitan ng dalawang pinakamakakapangyarihang bansa dahil wala rin namang mananalo sa usapin.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, walang pinapanigan ang Pilipinas sa dalawang bansa ngunit umaasa ito na magkakasundo rin ang mga ito upang hindi na lumalala pa ang sitwasyon.
“Nobody wins in a trade war and that ideally both will go back to the negotiating table and settle the differences and agree on new trade terms that would be mutually beneficial to the two countries,” sinabi ni Lopez sa press conference bago nagsimula ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Papua New Guinea.
“Everybody in the world would like to see this end obviously and mag-usap na sila. Kung meron silang mga particular concerns, they should settle it. Hopefully soon, sooner than later,” ani Lopez.
Pareho aniyang kaibigan ng Pilipinas ang China at Amerika dahil na rin sa umiiral na trade relations ng bansa sa mga ito.
Sinabi ni Lopez na mananatili ang suporta ng Pilipinas sa dalawang bansa upang maitaguyod ang free trade at rules-based multilateral system, at malabanan na rin ang trade protectionism policies.
“Frankly, we don’t have to side with anyone but we… May merit ‘yung both arguments,” ani Lopez. “You know ang Pilipinas kasi of course those are two big economies and again we are a friend to both.”
Paglilinaw pa ng kalihim, hindi apektado ang bansa kapag humantong sa paglala ng economic tension sa pagitan ng Amerika at China.
-Genalyn D. Kabiling