NANG ipahiwatig ni Director General Oscar Albayalde ng Philippine National Police (PNP) na ang hazing ay bahagi ng ating kultura, lumilitaw na ang makahayop na pagpaparusa ay talagang bahagi ng mga initiation rites sa mga fraternity at iba pang kapatiran sa mga kolehiyo at unibersidad. Nangangahulugan kaya na ang hazing ay kailangang danasin ng mga neophyte upang sila ay maging regular member ng mga fraternity?
Walang alinlangan na ang hazing ay naging bahagi na ng ating mayamang kalinangan simula pa noong panahon ng ating mga ninuno; lalo na noong unang pinagiting ng ating mga bayani ang kahalagahan ng pagkakapatiran. Subalit ang paraan ng pagpapatindi ng pagkakapatiran halimbawa, nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at iba pang mga dakilang Pilipino ay kabaligtaran ng hazing na nagaganap sa kasalukuyang henerasyon; walang nakamamatay na initiation rites kundi mga pagsubok na nakalundo sa matapat na samahan o kapatiran.
Naniniwala ako na, tulad ng ipinahiwatig ng PNP Chief, ang hazing ay isang paraan ng pagdisiplina sa mga neophyte bilang paghahanda sa kanilang pagiging mga ‘master’ sa pagtatapos ng mga initiation rites. Isa itong paraan ng paghubog ng mabuting estratehiya sa pagpapatingkad ng pakikipag-kapwa, paggalang sa sarili at pagpapahalaga sa umiiral na mga batas.
Nakalulungkot nga lamang at ang initiation rites ng ilang fraternity ay malimit humantong sa malagim na wakas; kinukulata ng mga sagwan, binubugbog na tila hayop ang mga neophyte na nagiging dahilan ng kamatayan ng ilan sa mga ito. Ang ganitong karumal-dumal na pagpaparusa ay natitiyak kong nasaksihan ng ating mga kababayan. Katunayan, isang neophyte sa isang fraternity sa isang pamantasan ang nadiskubre na lamang na nakaburol sa isang punerarya.
Totoo na may mga hazing o initiation rites na hindi tinatampukan ng malagim at madugong pagpapahirap. Psychological hazing ang malimit naming itawag dito noong tayo ay naging bahagi rin ng isang university fraternity. Walang bugbugan kundi mga pagsubok at pagsusulat upang sukatin ang kaalaman ng mga neophyte sa iba’t ibang larangan ng karunungan.
Mawalang-galang na sa PNP Chief, ang hazing, bagamat totoong epektibo sa pagdisiplina, ay mahigpit nang ipinagbabawal ng batas. Ang bagong Anti-Hazing Law na nilagdaan mismo ni Pangulong Duterte ay mahigpit na nagbabawal sa anumang anyo ng hazing, lalo na ang nakamamatay na pagpaparusa. Ang batas ay batas na dapat sundin ng lahat.
-Celo Lagmay