Tila nagbigay ng paalala si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec.Claire Castro para sa mga sektor na nakatanggap ng subsidiya mula sa pamahalaan.
Matatandaang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang pamamahagi ng ₱5,000 cash relief assistance sa humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers sa 17 lungsod sa Metro Manila noong Martes, Marso 17, 2026.
Mula ito sa hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga tsuper na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na sinasabing dulot ng umiigting na tensyon sa Middle East.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, personal na sinimulan pamamahagi ng ₱5k cash relief assistance sa tricycle drivers
Ayon naman sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay Castro nitong Miyerkules, Marso 18, 2026, tinanong siya ng broadcaster at mamamahayag na si Alvin Elchico tungkol sa posibleng maging panawagan ng mga nasa manggagawang sektor na itaas ang kanilang suweldo bunsod ng patuloy na pagtaas din ng presyo sa produktong petrolyo at nag-aambang pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sagot naman ni Castro, hindi pa raw napag-uusapan ng pamahalaan ang usaping ito ngunit idiniin niyang dito raw papasok ang kahalagahan ng mabilisang pagbibigay ng ayuda para sa mga apektadong sektor ng Pangulo at ng administrasyon.
“Hindi pa ‘yan napag-uusapan kaya ngayon, ang pinakamabilis na gawin ng Pangulo at ng administrasyon na ito ay magbigay agad-agad ng ayuda at sinisimulan na ito,” pagsisimula niya.
Giit niya, “Kasi kahit papaano ay makaagapay doon sa pagtaas ng presyo ng gasolina, ng fuel.”
Ani Castro, maayos raw sanang gamitin ng publiko ang mga subsidiyang kanilang natanggap at huwag gastusin sa pampa-rebond ng buhok o iba pang mga bagay na hindi kinakailangan.
“Kaya kung may mga fuel subsidy kayong natatanggap, doon n’yo gamitin ha. Kasi baka kapag binigyan kayo ng ayuda, gagamitin ninyo pang-rebond ng buhok n’yo,” aniya.
Diin pa niya, “Huwag n’yong gawin ‘yan.”
Pagpapatuloy ni Castro, gastusin daw nila ang natanggap na subsidiya bilang pambili ng pagkain o kaya ay palaguin pa kung binabalak nilang magnegosyo.
“Kung bibigyan kayo ng [ayuda] ngayon, itong pera na ito ay gamitin ninyo sa tama. Gamitin ninyo sa pagkain ninyo. Kung kaya n’yo na palaguin pa, kunwari bigla kayong nagnegosyo… para mas umunlad ‘yong perang ibibigay sa inyo, kahit maliit lang,” saad niya.
“Pagtulung-tulungan nating lahat,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, maaaring magdeklara ng state of nat'l emergency ‘pag may umaabuso na!—Usec. Castro
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa pagsuspinde sa fuel excise tax: 'When the situation calls for it!'