Inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na posible at maaari daw magdeklara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng state of national emergency dahil sa epekto ng nangyayaring sigalot sa Middle East.
Ayon sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay Castro nitong Miyerkules, Marso 18, 2026, nagawa siyang tanungin ng broadcaster at mamamahayag na si Alvin Elchico tungkol sa kakayahan ng Pangulong magdeklara ng state of national emergency, kagaya rin ng nangyaring pananalasa ng mga lindol at bagyo sa Pilipinas noon.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagbaba na ng 'National State of Calamity' para sa mabilis na access sa emergency fund
KAUGNAY NA BALITA: NDRRMC, idineklara 'State of National Calamity' sanhi ng bagyong Tino
Sagot naman ni Castro, maaari din daw makapagdeklara ang Pangulo kapag tama na ang sitwasyon, ngunit hindi pa raw nila napag-uusapan ang bagay na ito.
“Puwedeng mangyari ‘yan. Katulad ng nangyari doon sa bagyo, sa lindol. Nag-declare ng state of national emergency,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi pa napag-uusapan sa ngayon ‘yan, e, pero maaari. Maaaring magdeklara kapag nagkataon, kapag tama na ‘yong sitwasyon.”
Ani Castro, hindi raw magiging posible ang pagdedeklara ni PBBM kung makikita lang nilang inaabuso lang ng iba ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan.
“Kapag nakita naman natin na umaabuso lang. Hindi talaga natin maiiwasan ‘yong pagtaas ng presyo ng fuel dahil sa tuloy-tuloy na nangyayari dito sa Middle East. Hindi naman natin ito kagustuhan pero ito ‘yong consequence kasi,” aniya.
Giit ni Castro, kailangan daw na makita muna nilang may basehan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“So, titingnan natin kung ‘yong pagtaas ba ng presyo ng basic commodities ay dapat. Kasi syempre kailangan din silang magtaas kung nararapat at may basehan na,” saad niya.
Panghihikayat ni Castro, kailangan daw magtulungan ng bawat Pilipino at huwag nang maging gahaman o abusado ng iba sa pagtataas ng kanilang mga produkto.
“Kaya nga ang kailangan talaga dito ngayon ay magtulungan tayo. Huwag na silang maging gahaman, ‘yong iba. Maging gahaman, magpayaman… Dapat na magtulungan tayo dito. Kumbaga ‘yong iba, magsakripisyo na kasi maraming sobrang maaapektuhan,” ‘ika niya.
“Sana maging balanse, lahat tayo dito [ay] magsakripisyo na,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa apelang state of nat’l emergency: ‘PBBM, gobyerno still in control of the situation!’