Nilinaw ng Malacañang na hindi umano kailangang magdeklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng state of national emergency dahil sa pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo.
Matatandaan kasing ipinanagawan ni House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Rep. Raymond Democrito Mendoza sa Pangulo noong Lunes, Marso 16, 2026, na kailangan na raw nitong magdeklara ng nasabing desisyon upang pansamantalang magkaroon ng kakayahang mapamahalaan ng gobyerno ang pagtaas sa presyo ng produkto sa petrolyo sa loob ng industriya ng langis.
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa Mandaue City, Cebu nitong Martes, Marso 17, 2026, sinabi niyang wala pa raw sa sitwasyon ng pagdedeklara ng state of national emergency si PBBM.
“Sa ngayon po ay wala pa po tayo sa ganoong sitwasyon dahil ang pamahalaan po, sa pamamagitan ng Department of Energy, sa pamumuno po ni Sec. Sharon Garin, ay nakakausap pa po ang mga oil companies, ang mga namumuno sa mga oil companies,” aniya.
Dagdag pa niya, “At wala pa po tayo sa ganoong sitwasyon.”
Ani Castro, kasalukuyan na raw na binabalangkas ang pagbubuo ng batas na magbibigay ng kapangyarihan kay PBBM na mabawasan ang mga karagdagang buwis sa pagtaas ng langis.
“Ngayon po ay binabalangkas at gagawing batas ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo para sa mabawasan ang karagdagang buwis sa ga produktong krudo or fuel,” aniya.
Pakiusap ni Castro, bawas-bawasan lang daw sana ng ilan ang “fear mongering” o pagpapakalat ng takot sa publiko dahil malinaw daw na nasa kontrol pa ang Pangulo at ang pamahalaan sa krisis na kinakaharap ng bansa.
“Ang pakiusap lamang po natin, sa ngayon dahil sa nasa sitwasyon po tayong ganito, let us refrain from doing activities like fear fear mongering,” ‘ika niya.
“Mas nakakadagdag po ito ng takot sa ating mga kababayan samantalang ang Pangulo po at ang gobyerno ay still under control—in control of the situation,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Urirat ng Palasyo, VP Sara peddler ng misinformation?
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, nanindigang 'di tinraydor ni PBBM si FPRRD