Sa kasalukuyan, mainit na usapin pa rin hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi maging sa buong mundo ang krisis sa produktong petrolyo, bunga ng nagpapatuloy na tensyon at girian sa pagitan ng mga bansang matatagpuan sa rehiyon ng Gitnang Silangan, partikular na ang mga bansang Israel at Iran.
Dahil dito, apektado ang presyo ng mga bilihin sa iba’t ibang mga bansa, lalo na ang presyo ng krudo—na katakot-takot ang pagsipa. Bilang tugon, may iba’t ibang paraan ang bawat estado kung paano nila lalampasan ang nasabing krisis sa produktong petrolyo.
Dito sa Pilipinas, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan na siya ay nakikipag-usap na sa mga bansang maaari niyang pagbilhan ng suplay ng langis, hinggil nga sa patuloy na girian ng mga bansa sa Middle East.
MAKI-BALITA: PBBM, nakikipag-usap na sa ibang bansang puwedeng mapagkunan ng suplay ng langis-Balita
Kasunod nito, humiling din si PBBM ng emergency powers sa Kongreso kamakailan, upang suspendihin ang excise tax sa langis.
MAKI-BALITA: PBBM, hihiling ng 'emergency powers' sa Kongreso upang bawasan excise tax sa langis-Balita
Sa patuloy na krisis sa langis, dapat na nga ba tayong mag-switch sa paggamit ng biodiesel?
Ayon sa isang artikulo ng Science Direct, ang “biodiesel” ay isang uri ng diesel fuel na nagmula sa “alkyl esters of fatty acids,” isang renewable resource.
Nabubuo raw ang biodiesel mula sa “vegetable oils,” o kaya naman ay “animal fats,” at hinahaluan ng alokohol.
Madalas daw itong nagagawa sa pagagamitan ng prosesong “transesterification.”
Benepisyong dala ng paggamit ng biodiesel
Inisa-isa ng Carbon Collective sa kanilang artikulo ang ilan sa mga benepisyong dala ng paggamit ng biodiesel.
1. Mas mataas na higher flash point kumpara sa petroleum diesel
Ayon sa artikulo ng Carbon Collective, ang biodiesel ay may mas mataas na “higher flash point” kumpara sa kinagisnang petroleum diesel.
Dahil dito, mas mababa ang kapasidad nito na lumiyab sa mga insidente ng “spillages” o pagtagas.
2. Higher cetane number
Nakasaad sa parehong pag-aaral na mas mababa man ang kapasidad nitong lumiyab sa mga insidente ng pagtagas, mas mabilis namang mag-ignite ang biodiesel, kung kaya’t mas madali itong masunog nang buo.
Bilang resulta, mas mababa ang emisyon nito ng “gas pollutants” tulad ng carbon monoxide.
3. Kabawasan sa pagbuo ng “greenhouse gases”
Aabot sa 86% ng carbon dioxide emission ang mababawas sa kapaligiran kung gagamit ang lahat ng biodiesel bilang panghalili sa karaniwang petroleum diesel, base pa rin sa nasabing pag-aaral.
4. Mas ligtas sa “respiratory health” ng mga tao
Mababasa sa kanilang ulat na pinabababa ng biodiesel ang emisyon o pagbuo ng “particulate matter” sa hangin, na isang uri ng polusyong pumupuntirya ng “respiratory system.”
Samakatuwid, mas ligtas ang kagamitan ng biodiesel.
5. “Reduced dependence” sa Fossil Fuels
Dahil nga gawa ang biodiesel sa ilang mekanismo tulad ng vegetable oil at animal fats, mababawasan nito ang pagdepende ng mga tao sa paggamit ng fossil fuel—na hindi hamak na mas mahal kumpara sa paggamit ng biodiesel.
6. Hindi na pagdepende sa “imported oil”
Hindi lamang sa kapaligiran nakatutulong ang biodiesel, ngunit ito rin ay may mabuting epekto sa ekonomiya.
Base na rin sa artikulo, ang paggamit ng biodiesel ay makababawas sa pag-import ng langis mula sa ibang bansa, dahil “domestically” nang makukuha ang materyales sa paggawa nito.
Gayong nabanggit na ang ilang benepisyo ng paggamit ng biodiesel, hindi pa rin maikakailang may bitbit din itong “disadvantages.”
1. Iba-ibang kalidad ng biodiesel
Ayon sa artikulo ng Conserve Energy Future, maaaring magkaroon ng iba-ibang kalidad ang biodiesel, na maaari ding magdala ng iba-ibang power capacities.
“Biodiesel is made from a variety of biofuel crops. When the oil is extracted and converted to fuel using the chemical process, the result can vary in the ability to produce power. In short, not all biofuel crops are the same, as the amount of vegetable oil may vary,” mababasa sa nasabing pag-aaral.
2. Hindi akmang gamitin sa malalamig na temperatura
May pagkakataon daw na maaaring magkaiba ang pisikal na komposisyon ng langis bunsod ng malamig na temperatura.
“Biodiesel gels in cold weather, but the temperature it will gel depends on the oil or fat used to make it. The best way to use biodiesel during the colder months is to blend it with winterized diesel fuel,” saad sa nasabing artikulo.
3. Kakulangan sa suplay
Ayon sa naturang pag-aaral, maaari daw magresulta sa “food crisis” sa ilang mga bansa ang paggamit ng biodiesel dahil ito ay gawa sa vegetable at animal fat.
Maaari din daw tumaas ang presyo ng suplay ng pagkain bunsod ng mas malaking demand nito.
4. Mas mahal kumpara sa petroleum gas
Nakasaad din sa Conserve Energy Future na mas mahal umano ang biodiesel kumpara sa karaniwang petroleum gas na ginagamit nang nakararami.
“In recent years, the fact is that biodiesel is way more expensive than other conventional fuels. Currently, it is almost 1.5 times more expensive than petroleum. Using it could thus turn into a really expensive affair for many,” mababasa sa ulat.
Hindi man ito ang direktang sagot sa krisis sa krudo, nakatala naman ito sa mga artikulo at pag-aaral bilang isa sa mga maaring hakbang upang matugunan ang isyu pagdating sa presyo ng produktong petrolyo—ngunit gaya rin ng ibang uri ng gas, ang biodiesel ay may bitbit ding advantages at disadvantages.