MAS marami na ang makapagtatapos ng kolehiyo sa Pilipinas kapag naipatupad na ang pederalismo sa bansa, ayon sa mga miyembro ng Consultative Committee.
Sa Bayanihan Federal Constitution draft ng ConCom, isang karapatan ang basic education para sa lahat ng mga Pilipino.
Sasagutin ng pederal na pamahalaan ang matrikula, mga gusali ng paaralan, libro, sahod ng mga guro at kuryente habang ang rehiyunal na pamahalaan naman ang gagastos sa maintenance tulad ng janitorial services.
“We will not devolve education because we cannot encumber the regions with the funding of basic education as it will take up a huge chunk of the budget,” pahayag ni ConCom member lawyer Susan Ubalde-Ordinario, kamakailan.
Gagawin ding istandardisado ang edukasyon ng pederal na pamahalaan, upang mapanatili ang kalidad nito.
Sakop ng basic education ang libreng tuition sa elementarya, high school at sa dalawang taon sa kolehiyo, na popondohan ng pederal na pamahalaan.
Ayon kay Lawyer Randolph Parcasio ng ConCom, maaari rin maglaan ng mas maraming pondo ang mga rehiyon upang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon ng mga kabataan, gayundin ang opsiyon na sagutin ang huling dalawang taon ng pag-aaral ng estudyante.
Sa pamamagitan nito, aniya, lilikha ang mga rehiyon ng mga kabataang may sapat na kakayahan, kaalaman at kuwalipikasyon na kailangan nila sa paghahanap ng trabaho.
Binanggit ni Parcasio ang kaso ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan ang rehiyunal na pamahalaan ang kumukuha ng responsibilidad para sa edukasyon.
Taong 1989 nang ilipat sa ARMM ang edukasyon sa ilalim ng Republic 6734 nang mabuo ang ARMM.
Samantala, inilaan naman ng Department of Budget and Management (DBM) ang pinakamalaking pondo sa edukasyon para sa 2019, na mayroong P659.3 bilyon ng kabuuang P3.757 trilyon budget para sa 2019.
Nagsagawa rin ang DILG ng federalism roadshow sa General Santos City at Polomolok South Cotabato nitong Oktubre 29-30, upang ipaliwanag ang kanilang mungkahi sa mga mamamayanng Soccskargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) hinggil sa benepisyong dulot ng pagpapalit ng sistemang pederal kung saan dumalo ang mga magsasaka, kababaihan, LGUs, indigenous tribes.
-DILG PR/ PNA