ANG kaguluhan na naglantad sa hidwaan sa loob ng Bureau of Customs (BoC) ay muli na namang nagpatingkad sa umano’y mga katiwalian ng naturang ahensiya.
Ang paghaharap nina Customs Commissioner Isidro Lapeña at Deputy Collector Lourdes Mangaoang hinggil sa isyu ng magnetic lifters na hinihinalang naglalaman ng shabu, ay hindi basta biglang sumambulat. Nauna na itong naging bulung-bulungan. May una nang nakapagsabi na magkakaroon ng hidwaan ang mga paksiyon doon.
Sa totoo lang, sadyang kailangang balasahin at i-overhaul ang BoC na matagal nang itinuturing na isa sa mga ahensiya ng gobyerno na pinakahitik sa katiwalian.
Tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR), isa pang ahensiyang balot din sa kontrobersiya, kailangang tanggalin ng BoC ang hindi kanais-nais na imahe nito bilang pugad ng katiwalian. Ang pangunahing dahilan nito ay ang paraan ng pagpapahintulot dito na kumilos nang hindi naaayon sa mga pandaigdigang pamantayan sa pamamahala ng Customs, kasama ang mahigpit na sistema ng monitoring na ipinatutupad sa ibang bansa na tumutugon sa kahuysayan at katapatan.
Matagal nang kinukupkop ng BoC ang napakaraming hindi kanais-nais na karakter na sa pamamagitan ng kanilang mga kontak at koneksiyon sa loob at labas, ay matagal na ring nakinabang sa makalumang sistema ng pangangasiwa nito na hindi nakatikim ng pagbabago kahit kailan.
Marami sa mga nanaig sa kultura ng katiwalian sa BoC ay mga kilalang personalidad. Ang ilan sa kanila ay mga kasama sa media. Waring masamang pakinggan ngunit ang mga butas sa batas ng BoC at ang kahusayan ng mga mga opisyal nito at mga kaibigan nila ang siyang nagpapahirap sa pagpuksa ng ‘smuggling’ sa bansa.
Hanggang ngayon, bigo ang mga inisyatiba sa pagtugon sa mga anomalya sa BoC. Madalas binabalasa ang mga tao nito upang mabawasan ang sobrang pamilyarisasyon na nag-uudyok ng sabuwatan, ngunit sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya ay madaling naisasagawa ang mga katiwalian.
Mas mahalaga ang paggamit ng talino sa pagresolba ng kahina-hinalang mga pangyayari. Sa kaso ng magnetic lifters, pinanindigan ni Atty. Mangaoang na ang kakaibang mga imahe ng X-ray na natunton sa loob ng mga lifter ay dapat sanang tumawag ng pansin.
Sa kamalasan, ang talino sa BoC ay ginagamit sa paghahanap ng paraan upang maipuslit ang mga kontrabado na may katiyakang malaking salaping kapalit. Parang hindi makataong akusasyon iyon ngunit nangyayari ang katiwalian sa loob ng ahensiya sa loob ng maraming dekada. Ang pagresolba ng problemang ito ay higit pang mahalaga kaysa basta estriktong pagpapatupad ng batas.
-Johnny Dayang