ZHUHAI (REUTERS, AFP) – Binuksan kahapon ni Chinese President Xi Jinping ang isa sa pinakamahabang tulay sa mundo sa katimugan ng China, sa panahong hinihigpitan ng Beijing ang hawak sa semi-autonomous territories ng Hong Kong at Macau.
Ang 55 kilometrong Hong Kong-Zhuhai-Macau bridge ay binubuo ng halos 35-km tulay at road sections, at 6.7 km tunnel. Binansagang longest “bridge-cum-tunnel sea crossing” sa mundo, idunudugtong nito ang financial hub ng Hong Kong sa hindi gaanong maunlad na Pearl River Delta sa Guangdong province, gayundin ang Portuguese colony at gambling hub ng Macau.
Ipinahayag ni Xi ang opisyal na pagbubukas ng tulay sa seremonyang dinaluhan din ng mga lider ng Hong Kong at Macau sa bagong port terminal sa katimugang isla ng Zhuhai.
‘’I declare the Hong Kong-Zhuhai-Macau bridge officially open,’’ ani Xi kasabay ng pagsabog ng digital fireworks sa screen sa kanyang likuran sa indoor ceremony.
Sinabi ni Vice premier Han Zheng na isusulong ng tulay ang blueprint ng China para sa “Greater Bay Area” sa paligid ng Pearl River Delta katulad ng iba pang global economic dynamos ng San Francisco Bay at Tokyo Bay.
Gayunman, para sa mga kritiko ang bagong multi-billion-dollar sea-bridge ay isa lamang sa mga paraan para ma-integrate ang Hong Kong sa China habang tumitindi ang pangamba na unti-unti nang nabubura ang kalayaan ng lungsod.
Magbubukas sa trapiko ang mega bridge ngayong araw.