DAHIL sa kabi-kabilang pamamaslang na bunsod ng iba’t ibang sanhi -- pulitika, paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at karapatang pantao, at ang talamak na illegal drugs – ‘di ko na masyadong naramdaman ang gulantang ng masaker na naganap kamakailan sa Hacienda Nene sa Sagay, Negros Occidental, kahit na ito ay ikinamatay pa ng siyam na sakada o sugarcane workers na kinabibilangan ng dalawang menor-de-edad. Ang gayong karumal-dumal na krimen ay tila naging karaniwan nang eksena sa mga komunidad na talamak sa droga at mga gahaman sa salapi at kapangyarihan.
Hindi pa malinaw kung saan na nakarating ang imbestigasyon sa naganap na kakila-kilabot na masaker. Ngunit isang bagay ang tiyak: Ito ay naglantad ng iba’t ibang anyo ng maramihang pagpatay na naiulat sa mga pahayagan, radyo at telebisyon. Ito kaya ay sanhi ng mga pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang alingasngas sa naturang asyenda?
Biglang sumagi sa aking utak ang kahambal-hambal na Mendiola massacre na ikinamatay ng mga magsasaka na naganap noong administrasyon ni President Cory Aquino. Sinasabi na ang mga biktima ay kabilang sa mga magbubukid at sugar workers sa Hacienda Luisita. Ito kaya ay bunsod din ng umano’y pang-aapi at hindi pantay na pamamalakad sa naturang asyenda?
Hindi rin natin malilimutan ang kahindik-hindik na masaker sa Patikul, Sulu na ikinamatay ng aming kababayang si Gen. Teodulfo Bautista at ng kanyang halos 50 sundalo. Sinasabi na ito ay bunsod ng pataksil na pagpatay ng ating mga kapatid na Muslim; ang mga sundalo ay walang bitbit na armas samantalang ang umano’y mga salarin ay armado ng iba’t ibang kalibre ng baril.
Lalo namang karumal-dumal ang Maguindanao massacre na ikinamatay ng mahigit 30 kapatid natin sa pamamahayag. Sinamahan lamang nila ang isang kandidato na naghain ng kanyang certificate of candidacy at ginampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mga reporter ng iba’t ibang media outfit. Sa kumpas marahil ng isang makapangyarihang political family, mistulang nalibing nang buhay ang ating mga kapwa mediamen; nabiktima ng paglabag sa press freedom.
Mawalang-gana na, hindi ba ang pagpatay sa aking kapatid na si Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragoza, Nueva Ecija at sa kanyang tatlong kasama ay maituturing na masaker? Katunayan, ito ay tinguriang, ‘noon-time massacre’ ng mga peryodiko at TV/media outfit.
Sa kabila ng kakila-kilabot na mga pagpatay, asahan na lamang natin ang pagsisikap ng mga awtoridad laban sa kriminalidad -- ang kalupitan ng tao sa kanyang kapwa-tao.
-Celo Lagmay