Nagbanta ng panibagong pag-atake si US President Donald Trump laban sa pangunahing oil export hub ng Iran sa Kharg Island, habang nanawagan din siya sa mga kaalyadong bansa na magpadala ng mga barkong pandigma upang tiyakin ang seguridad sa Strait of Hormuz sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at digmaan sa rehiyon.
Sa isang social media post noong Sabado, Marso 14, 2026, hinikayat ni Trump ang mga bansang umaasa sa suplay ng langis na dumaraan sa Strait of Hormuz na tumulong sa pagbabantay sa naturang ruta ng kalakalan.
“The Countries of the World that receive Oil through the Hormuz Strait must take care of that passage, and we will help — A LOT!" ani Trump sa kaniyang social media post.
Hirit pa niya, “The U.S. will also coordinate with those Countries so that everything goes quickly, smoothly, and well."
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng supply ng langis sa buong mundo kung saan dumaraan ang malaking shipment lines at kalakaran ng produktong petrolyo mula sa Middle East patungo sa iba’t ibang bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?
Habang nagpapatuloy ang sigalot, patuloy rin umano ang mga pag-atake ng puwersa ng Iran. Noong Sabado rin, isang drone attack ang nakagambala sa isang malaking energy hub sa United Arab Emirates.
Batay sa mga ulat mula sa mga pamahalaan at state media, mahigit 2,000 katao na ang nasawi mula nang magsimula ang air attacks ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran noong Pebrero 28, kung saan karamihan sa mga nasawi ay mula sa Iran.
Sa kabila ng tumataas na bilang ng nasasawi at pinsala, wala pa ring indikasyon na malapit nang matapos ang digmaan habang kapwa nagpapakita ng matigas na paninindigan ang magkabilang panig.