MAGDADALAWANG oras na magmula nang malambongan ng alikabok ang paligid ng Glorietta 2 sa Makati noong tanghaling tapat ng Oktubre 19, 2007, na ibinuga nang malakas na pagsabog sa basement nito, ay wala pa ring makapasok na reporter sa lugar upang mai-report sa madla ang kalagayan sa loob mall.
Isa ako sa mga mamamahayag na paikut-ikot sa paligid ng gusali ng Glorietta Shopping Complex at ang tanging impormasyon na hawak namin ng mga oras na iyon ay 11 katao na ang kumpirmadong patay at mahigit 120 mga “mall shoppers” ang sugatan na karamihan ay mga teenager.
Ngunit wala pa, ni isa man lang sa aming mga reporter na nasa labas ang nakalalagpas man lang sa “yellow line” na ipinalibot ng Ayala security personnel sa buong lugar – at ito ay itinuturing kong isang malaking paghamon sa akin bilang isang police reporter.
Tatlo sa mga natatanaw kong operatiba ng bomb squad unit ng Philippine National Police (PNP) ang aking tinawagan sa cellphone ngunit “deadma” lang sa akin ‘yung dalawa. Sinagot ako ‘nung isa at ang impormasyong sinabi niya ay: “’Di pwede ang media sa loob, kahit silang mga imbestigador ay ‘di makalabas, dahil ‘di na muling papapasukin ng mga Ayala security. Kaya nagtitiis sila sa UHAW – putol ang linya ng tubig – at walang malinis na maiinom.”
Ang salitang “uhaw” na sila sa loob – ay parang bumbilya na umilaw sa aking isipan. Ito ang ginamit kong gimik upang makapasok sa loob. Bumili ako ng 20 malalamig na bottled water sa ‘di kalayuang “convenience store” at pumili ako ng lugar na papasukin na sa tantiya ko ay madali kong magogoyo ang nakatalagang sekyu.
Pagtapat ko sa lugar ng dalawang sekyu sa may tagiliran ng Glorietta 2, nagulat pa ang mga ito nang abutan ko ng tig-isang bottled water na nagpapawis sa lamig, sabay sabi na: “Sobrang uhaw na kami sa loob, mahirap ma-dehydrate habang nag-iimbestiga. Putol ang linya ng tubig matatagalan ‘yan bago makonekta.” Yun lang, dire-diretso na ako sa loob at nang lingunin ko ang dalawang sekyu, halos magkasabay nilang tinutungga ang malamig na bottled water.
Magkakahiwalay ang grupo ng dinatnan kong rescuer at pulis na nag-iimbestiga sa loob ng Glorietta 2. Ang pinakagitna, na kung tawagin ay “activity center”, ay butas pataas mula sa basement hanggang bubong, at animo dinaanan ng isang nag-take off na rocket.
‘Di ako magkandatuto sa pagpitik sa aking ever-reliable point & shoot Canon IXUS 185, na itinago ko sa aking bulsa. Sa tantiya ko ay pumitik ako ng halos 50 saka ko tinawagan si Josh Villanueva, isang Jr Newsdesk Editor namin sa GMA7 na nakita ko sa labas, bago pa man ako nakapasok sa loob ng Glorietta 2.
Pinakiusapan ko ang kaibigan kong imbestigador na iabot kay Josh ang copy ng memory card para ipasa niya agad sa opisina. Hindi ako kasi pwedeng lumitaw dahil kapag nakita ako ng taga-ibang media ay siguradong riot. Maraming aangal kung bakit ako ay nakapasok, at siguradong may mga magrereklamo pa – tiyak mapupurnada pa ang aking pinagpaguran.
Kasunod nito ay tinawagan ko si Ernie Sarmiento, chief photographer noon ng PDI, at ini-email ko sa kanya ang mga litratong naging SCOOP nila sa print media kinabukasan. Nagmumura sa laki ang pagkaka-play up sa Page 1 ng kuha kong litrato sa loob ng Glorietta 2 at isa ito sa 25 news photos na itinampok ng PDI sa kanilang coffee table book.
Lumabas din agad sa GMA 7 news online ang 37 na mga kuha kong litrato – yun lang, wala ako ni isang byline sa mga ito – at aaminin ko, bilang isang “maniniyut” sobrang disappointed ako noon.
Ngunit kapag naisip ko naman, na bilang isang Sr News Desk editor na lumabas at gumawa ng isang extra-ordinary feat o trabahong hindi ko na dapat gampanan at nagawa ko naman para sa kumpanyang nagtiwala sa aking kakayahan, lampas tenga naman ang ngiti ko.
Sundan sa huling bahagi ang detalye ng “initial findings” ng mga bomb expert na kahalubilo ko sa loob ng Glorietta 2.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.