Rondo at Ingram, nanapak sa kabiguan ng LA Lakers sa Rockets
LOS ANGELES (AP) — Malayo pa ang playoff, ngunit randam na ang marubdob na pagnanasa ng Lakers at Rockets na makaungos sa isa’t isa.
Tatlong players – Lakers star Brandon Ingram at guard Rajon Rondo at Houston Rockets all-stars Chris Paul – ang napatalsik sa mainit at dikdikang laro na pinagwagihan ng Rockets, 124-115, nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Pinatalsik ang tatlo may 4:13 ang nalalabi bunsod nang pagtatalo at sakitan sa larong dinagsa ng Lakers fans para sa unang home game ni LeBron James bilang isang Laker.
Dikit ang iskor nang tawagan si Ingram ng foul nang pigilan ang agresibong driving layup ni James Harden, tumapos ng 36 puntos. Nauwi sa pikunan ang tagpo dahilan para patawan ng technical foul si Ingram.
Habang nagkakagirian, sinundot ni Paul sa mukha si Rondo na gumanti ng suntok sa All-star guard na sinundan na rin ni Ingram,habang sige sa awat si James at inilayo sa gulo si Paul na isa niyang dikit na kaibigan.
Matapos ang gulo, naisalpak ni Harden ang three-pointer para selyuhan ang panalo.
Hataw si James sa naiskor na 28 puntos, limang rebounds at limang assists, habang kumana si JaVale McGee ng 16 puntos at anim na rebounds at tumipa si Rondo ng 13 puntos at 10 assists.
Kumubra si Paul ng 28 puntos, 10 assists at pitong rebounds.
Sa iba pang laro, naitala ng Toronto Raptors ang ikatlong sunod na panalo nang gapiin ang Washington Wizards kahit hindi naglaro si star player Kawhi Leonard.
Nanguna si Kyle Lowry sa Toronto sa naiskor na 28 puntos at 12 assists.
Sa New York, naungusan ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Jayson Tatum na may 24 puntos at 14 rebounds, ang New York Knicks, 103-101, habang ginapi ng Indiana Pacers ang Brooklyn Nets, 132-112.