WALANG kaduda-duda na ang pinakapalasak na pangungusap na pumailanlang sa lahat halos ng sulok sa bansa nitong nakaraang mga araw ay ang mga salitang -- “kapag ako ang nanalo sa Lotto, tandaan mo…” gaya nang mga narinig ko sa iba’t ibang lugar na pinuntahan ko rito sa Metro Manila.
‘Yan ay bago pa man naganap ang pagbola nitong nakaraang Linggo ng gabi sa jackpot price na umabot sa mahigit P1 bilyon para sa Ultra-Lotto 6/58, na ayon sa report ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay tinamaan ng tig-isang ticket mula sa dalawang magkaibang lalawigan.
Bagamat may report na ang mga nanalong tiket na may kombinasyon ng mga numerong 40-50-37-25-01-45 ay naibenta sa mga Lotto ticket outlet sa Bicol at Samar, ay hindi pa ito naiki-claim ng dalawang nanalo, na asahan nang hindi papangalanan ng PCSO para sa seguridad ng mga ito, sampu ng kanilang mga pamilya.
Ito na ang pinakamalaking jackpot prize na naitala sa kasaysayan ng PCSO at unang pagkakataon na umabot sa P1bilyon ang jackpot sa Lotto at sa kahit anong number games na palaro nito sa bansa. Simula pa noong Pebrero 16, 2018, ay wala ng naitalang nanalo sa jackpot para sa Lotto 6/58 hanggang sa pumanhik ito sa mahigit na P1 bilyon bago nga tamaan nito lamang Linggo ng gabi.
At ito naman ang mga usap-usapang pasimpleng napakinggan ko bago tinamaan ang Ultra-Lotto 6/58 ng PCSO:
Sa isang hamburger chain sa Novaliches, patutsada ng isang crew sa kahera: “Kapag ako ang nanalo sa lotto, tandaan mo, reregaluhan kita ng sariling franchise ng Jollibee para siguradong akin ka na lang!”
Sa MRT patungong Cubao, hirit ng isang senior na babae sa escort niyang millennial: “Kapag ako ang nanalo sa lotto, tandaan mo, bibili ako ng magarang kotse na may poging driver, na maghahatid sa atin kahit saang lugar.” Tanong ng kumunot ang noo na teenager: “Kelangan pogi pa talaga ang driver?” Sagot ng matanda: “Kelangan para ‘di ka na palaging nakasimangot kapag nauutusang samahan ako. Siguradong kekerengkeng ka ke pogi, kaya laging ka ng nakangisi!”
Sa suki kong barberya sa Quezon City: “Kapag ako nanalo sa lotto, tandaan mo, bibilhin ko ang building na ito, palalakihan ko itong shop, at lahat ng mga suki ko ay libre sa loob ng isang taon ang gupit, ahit at masahe, kahit pa araw-araw!”
Ang bulungan ng katabi kong parehong maskulado sa UV Express van mula Cubao terminal patungong Novaliches: “Kapag ako ang nanalo sa lotto, tandaan mo, magpapa-book agad ako para makapag-world cruise tayo!” Waring kumisap naman ang mga mata nung isang macho sabay sabi: “Sa Las Vegas tayo agad pumunta, ‘di ba dun tayo papakasal?”
Sa hilera ng mga vendor sa may Blumentritt, Sta. Cruz, Manila, sabi ng nagtitinda ng tinapa sa katabing vendor: “Kapag ako ang nanalo sa lotto, tandaan mo, bibili ako ng lote at patatayuan ko ng malaking palengke para sa ating mga nagtitinda rito.” Sagot naman ng kausap: “Sus paano naman kaya ka tatama eh ni minsan ‘di kita nakitang tumaya sa lotto!”
Sa isang lotto outlet sa Mandaluyong ako nakapila dahil dun ako inabot ng pagsasara ng tayaan. Nagulat ako sa biglang pagtatanong ng mas senior pa sa akin na katabi ko: “Ano ang gagawin mo kung ikaw ang manalo sa lotto sa pagbola mamayang gabi?” Sabay bawi sa pagkabigla sa tanong, sinagot ko siya ng ganito: “Koyang isulat mo rito sa papel ang name at cellphone number mo, dahil ikaw ang una kong tatawagan para balatuhan ng P100 million kapag ako ang nanalo. Mag-dilang anghel ka sana!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.