KARANIWANG ipinagdiriwang ni Jed Madela ang kanyang showbiz anniversary nang may pasabog, at hindi ito naiiba ngayong taon dahil ise-celebrate niya ang ika-15 taon niya sa industriya sa una niyang solo concert sa Araneta Coliseum, ang Higher than High: the 15th Anniversary Concert, sa Nobyembre 16, Biyernes, 8:00 ng gabi.

Jed

“Pangarap ng bawat mang-aawit na tumayo sa entablado at sumigaw ng ‘Good evening, Araneta!’. Excited at kinakabahan ako. Excited dahil sa wakas ay magpe-perform ako nang solo sa Big Dome, at kabado dahil may pressure na punuin ang Araneta,” kuwento ni Jed.

Ayon pa sa kanya, ang manager niya ang nakaisip ng titulo ng concert.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Naisip niya ito base sa inaasahan ng audience sa akin kapag ako’y magpe-perform—ang pag-awit ng big songs. Power belting, kumbaga. Pero higit sa pag-awit ng ganyan, ang goal ko talaga para sa concert na ito ay dalhin ang audience sa next level, ‘yung tipong may goosebumps bawat number.”

Nagsimulang buuin ni Jed, kasama ang kanyang team, ang show sa simula pa ng 2018 at proud siya sa kanilang ihinanda para siguraduhing magiging maganda ang kanyang Higher than High: the 15th Anniversary Concert.

“Pinaghandaan namin ang lahat ng numbers, lalo na ‘yung opening,” kuwento niya. “Simula pa lang, pasabog na, promise. Major goosebumps talaga. Ayokong mag-spoil ng sorpresa, pero sasabihin kong magsisimula ang show pagtuntong pa lang sa venue.”

Ibinahagi rin ni Jed na handog niya ang pinaka-inaabangang show sa mga sumuporta sa kanya simula nang pumasok siya sa industriya—mula sa paglabas niya ng kanyang unang album, ang I’ll Be Around, hanggang sa kanyang pagsali sa 2005 World Championships of Performing Arts, at ngayon sa kanyang estado bilang isang magaling na OPM artist.

“Grateful ako sa mga sumuporta since day one. Wala man akong fans na nag-aabang at tumitili, alam kong may mga supporters akong walang sawa sa pagbibigay-halaga. Hanggang sa may mga tao na nais marinig ang pagkanta ko, patuloy ako sa pag-awit.”

Mula sa direksiyon ni Marvin Caldito, makakasama ni Jed ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra—sa pamumuno ni Maestro Gerard Salonga—at ang Philippine Madrigal Singers sa Higher than High: the 15th Anniversary Concert.