MARAMI pala talagang nag-aabang sa teleseryeng Halik kahit na gabi na ito ipinapalabas.
Kadalasan kasi ay hanggang dalawang serye lang ang inaabangan ng manonood. Ang katwirang madalas naming marinig ay “super late na” o “may pasok pa kinabukasan”. Tama rin naman dahil obviously ay mga nag-oopisina ang target market ng mga programang nasa late timeslot.
Pero itong Halik nina Sam Milby, Yen Santos, Yam Concepcion at Jericho Rosales ay talk of the town dahil sa kuwentong kabitan, talakan at sampalan, na relate na relate raw ang karamihan sa nanonood nito.
Natawa nga kami dahil napanood namin ang viral video ng isang Ate Girl na galit na galit habang pinapanood ang Halik. Ang episode ay pinagdududahan na nina Sam at Jericho ang kani-kanilang mga asawang sina Yen at Yam na may kinakatagpong iba.
Gigil na gigil si Ate Girl at pati siya ay nakikisali sa talakan nina Sam at Yen.
“Naku sampalin mo ‘yan! Kung ako, sasampalin ko ‘yang pasaway na asawa! Pareho lang, itong babae na ito (Yen), naku! Naku, mag-away-away kayo. Naku, ikaw (Sam) pa itong may ganang magalit? Diyos ko! ‘Yang asawa mo, Jericho, may uganayan sila ni Sam! Naku sampalin mo ‘yang lalaki na ‘yan! Sampalin mo! Naku, nagkita pa talaga sila, mga traydor (Sam at Yam).”
Ang galing ni Ate Girl. Hindi na kailangang kumuha ng acting workshop kay Ivana Chubbuck. Ha, ha, ha!
Duda namin ay hindi alam ni Ate Girl na kinukunan siya ng video ng kasama niya sa kuwarto habang nagtitiklop ng mga damit na nilabhan, dahil talagang with feelings pa siya habang nanonood.
As of this writing ay umabot na sa 45, 697 views at may 186 comments ang nasabing video simula nang i-post ito ni Luis Manzano nitong Huwebes.Base naman sa Kantar Media ratings, laging panalo ang Halik kumpara sa katapat nitong Inday Will Always Love You sa GMA, na laging single digit.
-Reggee Bonoan