DEAR Manay Gina,

Paano po kaya ako makakabuo ng isang magandang relasyon sa aking mga biyenan. Sa loob ng nakalipas na limang taon ay masaya naman ho ang aking buhay-may-asawa. Ang problema ko po ay tungkol sa aking mga biyenan. Sa aking palagay, ay hindi pa rin nila ako matanggap bilang manugang. Ang aking biyenang babae ay may pagka-tsismosa habang ang akin namang biyenang lalaki ay mahilig manghimasok sa aming buhay. Lagi po nilang sinasabi sa akin na alagaan ko ang kanilang anak at ako po ang lagi nilang sinisisi kapag nagkasakit ang kanilang anak o kaya’y may problema sa aming pamilya.

Nitong mga nagdaang buwan, mas lumala pa po ang pakikitungo nila sa akin. Madalas po ay nalilimutan daw nila na imbitahan ako sa mga pagtitipon ng pamilya.

Sa darating na mga buwan ay mapapadalas muli ang mga kasayahan sa aming pamilya. Ano po kaya ang gagawin ko para bumuti ang relasyon ko sa aking mga biyenan?

Leila

Dear Leila,

Nakikisimpatiya ako sa ‘yo. Mahirap talagang makisama sa mga biyenan lalo na’t harap-harapan ang pagpapakita nila ng disgust sa ‘yo.

Gayunman, tandaan mo na ang pinakasalan mo ay ang iyong mister at hindi ang iyong mga biyenan. Alam ba ng mister mo ang ginagawa ng kanyang magulang sa ’yo? Kung hindi pa, sabihin mo. Bilang mag-asawa, pag-usapan n’yo kung paano malulutas ang sigalot na ‘yan. Kapag hindi nagbago ang kanilang maling pakikitungo sa ‘yo, ikaw na ang umiwas. Lahat tayo ay nangangailangan ng paggalang. Tungkol naman sa parating na mga pagtitipon, subukan mong sa ibang miyembro ng pamilya ka maki-umpok. ‘Pag dinedma mo sila, mararamdaman nila ‘yon at baka sakaling sila’y matauhan.

Nagmamahal,

Manay Gina

“A growing relationship can only

be nurtured by genuineness.”

--- Leo F. Buscaglia

_

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia