WALANG hindi papalakpak, wika nga, sa tahasang plano ni Pangulong Duterte: Total mining ban. Ibig sabihin, mistulang lilipulin hindi lamang ang mga illegal mining kundi ipagbabawal at ipasasara rin ang mga legal mining company – ito ay isang adhikain na natitiyak kong labis na ikatutuwa ng sambayanan; isasaalang-alang nila ang bilyun-bilyong pisong pinsala sa kalikasan at mga buhay na nakitil sa mga minahan sa Benguet at Cebu dahil sa walang patumanggang pagmimina. Mawalang-galang na, gusto kong maniwala na ang nasabing plano ay maaaring produkto lamang ng isang panaginip.
Subalit niliwanag ng Pangulo na ang kanyang planong total mining ban ay ganap niyang isusulong pagkatapos ng 2019 mid-term polls. Nangangahulugan na ang maihahalal na mga mambabatas ay maaaring sumusuporta sa kanyang matinding hangaring ipagbawal ang pagmimina na pumipinsala sa kapaligiran at sa mismong kalikasan.
Totoo na walang karapatan ang Pangulo na lubos na ipatupad ang total mining ban. Tanging Kongreso lamang, sa pamamagitan ng mga mambabatas, ang may kapangyarihang magpawalang-bisa sa Republic Act 7942 – ang batas na nagpapahintulot ng pagmimina sa buong kapuluan.
Sa bahaging ito, lalong tumibay ang aking paniwala na ang nabanggit na plano ay produkto lamang ng isang panaginip. Hindi ba may mga mambabatas – at mga opisyal ng administrasyon – na nagmamay-ari ng mga minahan? Halos imposible na kakatigan nila ang pagpapawalang-bisa sa batas na nagbibigay sa kanila ng limpak-limpak na pakinabang. Bukod dito, hindi ba may mga pribadong mining magnate na sinasabing tahasang sumusuporta sa kandidatura ng mga pulitiko na nangangalaga sa mining operation, legal man ito o hindi?
Totoo rin na kumikita ang gobyerno ng P70 billion revenue isang taon mula sa mining industry. Subalit ang naturang pondo ay hindi sapat, lalo na kung iisipin ang ginugugol sa rehabilitasyon ng buhay at mga ari-arian na nawawasak sa pagmimina. May mga haka-haka na ang mining industry ay tandisang umiiwas sa pagbabayad ng wastong buwis, sa pakikipagsabwatan sa ilang tiwaling tauhan ng gobyerno.
Dahil dito, gusto kong maniwala na ang balak na total mining ban ay matutulad sa total log ban na ipinatupad ng nakaraang mga administrasyon. Isa rin itong produkto ng panaginip sapagkat patuloy na nakalbo ang ating mga kabundukan at nawasak ang kalikasan. At lalong nalalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan.
-Celo Lagmay