Bumulagta ang isang babae sa isang kalsada sa Mandaluyong City matapos umanong bugbugin ng isang lalaking namalimos sa kaniya subalit hindi niya binigyan ng pera, noong Martes ng tanghali, Marso 10.
Sa ulat ng "TV Patrol" ng ABS-CBN noong Miyerkules, Marso 11, bumaba raw ang babae sa tren ng Manila Metro Rail Transit (MRT) sa Boni Station sa Mandaluyong City, saka siya kinausap ng isang lalaki para mamalimos.
Sa testimonya ng isang tindera, namalimos daw ang lalaki sa babae subalit hindi raw nagbigay ang huli at nagpatuloy sa paglalakad.
Dito na siya sinundan ng lalaki at saka binugbog. Ayon pa sa nakakita, bumulagta ang babae at tinadyakan pa ng lalaki habang inuumpog ang ulo sa pader.
Kinuyog naman ng ilang miron ang suspek at rumesponde naman ang mga pulis at coast guard na naroon sa lugar at dinakip ang lalaki upang dalhin sa presinto.
Sa panayam naman sa isang pulis, inakala pa raw ng ilang mga nakakita na magkakilala ang dalawa, o away-mag-jowa lamang ang nangyari.
Itinanggi rin ng pulis na hindi ninakawan ang babae, taliwas sa mga naunang espekulasyon ng netizens matapos mag-viral ang video.
Sinampahan ng frustrated murder ang suspek sa piskalya, na kasalukuyan namang nakapiit sa Mandaluyong headquarters.