Inilarawan ng Palasyo bilang “produktibo” at “makasaysayan” ang ginawang working visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa New York, United States mula noong Linggo, Marso 8 hanggang Miyerkules, Marso 11.
Sa isinagawang press briefing ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro nitong Huwebes, Marso 12, inisa-isa niya ang ilan sa highlights ng nasabing working visit ni PBBM.
“Naging produktibo at makasaysayan ang working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa New York,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Mahigit sa 2000 job opportunities ang bitbit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas, matapos ang kaniyang working visit sa Estados Unidos.”
“Gumuhit din ng kasaysayan ang Pangulo bilang isa sa mga lider ng Pilipinas na nakapag-address sa United Nations—hindi lang isa, kung hindi dalawang beses,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng press officer na nag-address si PBBM sa “70th session of the Commission on the Status of Women,” kasunod ang isang pagpupulong kasama si United Nations (UN) Secretary General Antonio Guterres.
Dagdag pa niya, nakipagdayalogo rin ang Pangulo sa Medical Globe Company LLC at sa JPMorgan Chase and Company, hinggil sa mga naisin nitong magtayo ng manufacturing facility at bumuo ng investment partnership sa bansa.
Sa ikalawang araw naman ng naturang working visit, nagsagawa naman daw ng isang special address si PBBM sa General Assembly ng UN, kung saan inihayag nito ang kaniyang kampanya upang makakuha ng isang non-permanent post sa UN Security Council para sa taong 2027 hanggang 2028.
“Trabaho, aksyon, hindi bakasyon para sa mga Pilipino at para sa Bagong Pilipinas,” pagtatapos ni Castro.
KAUGNAY NA ULAT: UN Sec-Gen. Guterres, pinuri Pilipinas sa promosyon ng peace, democracy sa bansa-Balita
KAUGNAY NA ULAT: UN Security Council, magbibigay sa PH ng boses na kasinghalaga sa 'malalaking bansa'—PBBM-Balita