STAR-STUDDED at pinuno ng fans ang Cinema One ng SM Megamall, kung saan ginanap ang premiere night ng Tres ng Imus Production, na mapapanood na in cinemas nationwide bukas, October 3.

Isang trilogy film ang Tres na pinagbibidahan ng magkakapatid na sina Bryan Revilla, sa episode na “Virgo”, si Luigi Revilla sa “Amats”, at si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla sa “72 Hours”.

Sa mga dumalong press people, halos iisa ang kanilang sinasabi: nabigyan ng justice ng Revilla brothers ang mga roles na natoka sa bawat isa sa kanila.

Nagkakaisa ang lahat na walang itulak-kabigin sa ganda ng tatlong istorya na idinirek nina Dondon Santos (for “72 Hours” at “Amats”) at Richard Somes (“Virgo”) although angat nang konti ang “72 Hours”. Sinabayan ni Rhian Ramos ang action scenes ni Jolo, na sa istorya ay isang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), habang pulis si Rhian na kinutsaba ng masasamang elemento para hanapin at patayin si Jolo.

Tsika at Intriga

Inka Magnaye, nag-sorry sa nai-post na road accident sa Shaw Boulevard

May sweet moments sina Jolo at Rhian sa umpisa kaya hindi maiwasang i-link si Jolo sa kanyang leading lady. Bagay naman daw sila at parehong single. Hindi tuloy maiwasang itanong kay Jolo kung may na-develop na feelings sa isa’t isa during shooting ng Tres?

“Kayo talaga,” sangga agad ng aktor-pulitiko. “We’re good friends and… Pero hindi n’yo din naman masisisi, maganda siya, mabait. Sino ba naman ang hindi magkakagusto sa kanya?

“Pero siyempre, sa bawat pinagdadaanan namin sa buhay, mas magandang dahan-dahanin natin. Huwag nating mamadaliin ‘yung kung anuman, ‘di ba?

“Ako, siyempre, kakahiwalay ko lang, kakahiwalay lang niya… siguro. Hindi naman imposible, we’re good friends,” paliwanag pa ni Jolo.

“In-expect ko naman din matsismis,” sabi naman ni Rhian. “Hindi naman ako nagulat, part na siya ng trabaho ko. Nung nabalitaan ko nga na single na si Jolo, sabi ko, ‘Ay naku, ‘eto na yon, marami nang magsasabi na may kinalaman ako.’ Pero ayun, parang part lang siya, ‘di ba?”

Masaya rin daw siya sa friendship nila ngayon ni Jolo.

“I’m grateful dahil totoo ‘yung friendship namin. Totoo ‘yung ipinakita namin sa isa’t isa na he’s very easy to get along with and it was easy opening up to each other about certain things in our lives. Pero anything beyond that is not something.

“I don’t know if he is ready for anything beyond that, but I’m definitely not. So, hindi din naging consideration na turn it into anything more than a friendship,” eksplika ni Rhian.

Inamin naman ni Bryan na zero ang kanyang love life sa ngayon after his break-up sa isang derma specialist. Si Luigi naman ay married na at may isang anak.

Anyway, kabilang sa mga dumalo sa premiere night ang lolo ng Revilla boys na si dating Senador Ramon Revilla, Sr. Bagamat naka-wheelchair ay masaya siyang kumakaway kapag ina-acknowledge ang kanyang presence.

Sabi nina Jolo, Bryan, at Luigi, ang kanilang Lolo Ramon daw ang nagbigay-inspirasyon para pag-ibayuhin nila ang kanilang pagganap sa maaaksiyong eksena sa Tres.

Bukod sa kumpletong attendance ng kanilang leading ladies na sina Rhian, Carla Humphries, Myrtle Sarrosa, at Assunta de Rossi, naroroon din sina Edu Manzano, Precy Ejercito with son Julian, Jason Abalos, Benj Manalo, ang mga kapatid ng ama nilang si dating Senator Bong Revilla Jr. na sina Andeng at Princess, at iba pa.

Showing na bukas, Oktubre 3, ang Tres, mula sa Imus Productions, at ire-release ng Star Cinema.

-Ador V. Saluta