LABIS-LABIS pa rin o “overwhelming” ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay President Rodrigo Roa Duterte kaya hindi na kailangan ang pagsasagawa ng loyalty checks sa gitna ng haka-haka hinggil sa pagpapatalsik sa kanya, sa pamamagitan ng tinatawag na “Red October.”

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagamat kailangan pa ring beripikahin ang umano’y pagkakasangkot ng ilang sundalo sa ouster plot, kumpiyansa ang Malacañang na ang militar at pulisya ay hindi susuporta sa destabilization.

Ayon sa tagapagsalita ni Mano Digong, hindi binabalewala ng Palasyo ang umuugong na planong pabagsakin ang Presidente, subalit higit silang naniniwalang buong-buo pa rin ang suporta ng AFP at PNP kay PDu30.

Sa kanyang pagbisita sa Camp Vicente Lim sa Laguna noong Miyerkules, nagpahayag ng pagkadismaya ang Pangulo sa mga sundalo na umano’y nakikipagsabwatan sa mga komunista at mga grupong hangad siyang mapatalsik. Binangggit niya ang Communist Party of the Philippines (CPP) ni Joma Sison, ang Liberal Party (LP) at ang Magdalo Group ni Sen. Antonio Trillanes IV na nagpaplanong ibagsak siya ngayong Oktubre. Gayunman, mahigpit itong itinanggi ng CPP, LP at Magdalo.

Para kay Roque, suportado ng militar si PRRD dahil siya lang ang Pangulo na nagkaloob ng dobleng sahod sa mga ito, binigyan ng pabahay, at dumadalaw sa kanilang mga kampo, nakikiramay, at nagbibigay ng tulong sa mga namatay na kawal at mga sugatan.

Mayroon pa palang mga multo ngayon. Sa banner story ng BALITA noong Biyernes, nakasaad ang ganito: “32,500 ‘multo’, nakinabang sa 4PS.” Ang mga “multo” palang ito ay mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PS) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang mga multong ito, ayon sa report mula sa Cotabato City, ay “nakasipsip” umano ng halos P44.8 milyon bawat buwan. ‘Di ba ang sumisipsip lang (ng dugo) ay iyong mga bampira, batay sa mga pelikulang napapanood natin? Aba, matindi ang mga multong ito na hindi dugo ang sinisipsip kundi salapi ng bayan. Anyway, tinanggal na raw sa listahan ng 4PS sa ARMM ang mga “multo.”

Nagpalipad ang US ng B-52 bombers sa bisinidad ng South China Sea (West Philippine Sea) nitong linggo, pahayag ng US officials sa Reuters. Binira ng China ang naturang pagpapalipad ng US bombers. Ayon kay Lt. Col. Dave Eastburn, Pentagon spokesman, ang mga B-52 bomber ay lumipad sa SCS bilang bahagi ng “regularly scheduled operations designed to enhance our interoperability with our partners and allies in the region.”

Siyanga pala, binatikos ni Vice Pres. Leni Robredo si PRRD dahil sa “rape joke” nito noong isang buwan. Sa pagsasalita sa 60th anniversary at 23rd convention ng Federation of Asia Pacific Women’s Association (FAPWA) noong Huwebes, hindi niya nagustuhan ang biro ng Pangulo sa kababaihan.

Ayon sa kanya, hindi nakakatuwa ang biro na kaya marami ang nagagahasa sa Davao City ay dahil maraming magagandang babae roon. Ayon kay beautiful Leni, dapat kilalanin ng kalalakihan ang kanilang tungkuling igalang ang mga babae.

VP Leni, mapagbiro lang daw ang ating Pangulo.

-Bert de Guzman