NANATILING walang talo ang defending champion University of Santo Tomas at National University, makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang katunggali sa women’s division sa UAAP Season 81 beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.

Winalis ng Tigresses ang University of the East, 21-4, 21-7, habang ginapi ng Bulldogs ang Far Eastern University, 21-11, 21-15, para sa kanilang pang-apat na sunod na panalo.

Patuloy ang magandang teamwork na ipinakikita nina reigning MVP Sisi Rondina at Babylove Barbon para sa UST.

“Yung bata, willing manalo at sobrang competitive,” wika ni Rondina patungkol sa kanyang bagong partner sa sand court.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Patuloy din ang rookies na sina Klymince Orilleneda at Antonnete Landicho sa kanilang impresibong laro para sa season host NU na naging huling biktima ang FEU Lady Tams duo nina Ivana Agudo at Marianne Calinawan.

Sa iba pang laro, nakopo ng De La Salle ang solo third matapos magwagi ang pareha nina Tin Tiamzon at Michelle Morente kontra kina Ponggay Gaston at Jules Samonte ng Ateneo, 21-14, 25-23.

Wagi rin ang University of the Philippines pair nina Isa Molde at Justine Dorog kontra sa Adamson University tandem nina Hannah Nicole Infante at Gracelchen Ave, 19-21, 21-13, 15-12.

Dahil sa panalo, umangat ang Lady Spikers sa markang 3-1,panalo-talo habang tumaas naman ang Lady Maroons sa patas na 2-2 marka.

Nalaglag naman sa 3-way tie sa 5th place ang Lady Eagles, Lady Tamaraws at Lady Falcons hawak ang barahang 1-3.

Samantala sa men’s division, naiposte rin ng FEU duo nina Jude Garcia at Kevin Hadlocon ang ika-4 na sunod nilang panalo makaraang walisin ang UE pair nina Clifford Inoferio at Alven Aljas, 21-13, 21-13.

-Marivic Awitan