HINDI ko ikinagulat, manapa’y dapat lamang ikatuwa ang patuloy na pagtatag ng isang educational institution sa kabila ng matitinding paghamon na gumigiyagis dito sa mga nakalipas na dekada. Isipin na lamang na mula sa pagiging ‘hot-bed of activism’ ng nasabing institusyon -- ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) -- ay itinuturing na ngayong ‘biggest employer’ sa ating bansa. Nagkataon na gugunitain sa Oktubre 1 ng taong ito ang 114th PUP founding anniversary.
Ang naturang bagong taguri sa PUP ay hindi nangangahulugan na ito ay isang korporasyon ng mga kawani. Sa pagbibigay-diin ni Dr. Emanuel de Guzman, PUP president, ang nabanggit na unibersidad ay pinanggagalingan ngayon ng pinakamalaking bilang ng mga empleyado na kailangan ng iba’t ibang pribado at pampublikong tanggapan at kumpanya. Nangangahulugan na ang mga PUP graduates ang mistulang hinihikayat at napupusuan ng mga establisimiyento: Sila ay itinatalaga hindi lamang bilang pangkaraniwang kawani kundi bilang mga accountant, law partner, at iba pa.
Pinatutunayan ng sariling obserbasyon na maraming nagtapos sa PUP ang bahagi ngayon ng media industry. Ang kanilang mga tinig ay pumapailanlang sa himpapawid; ang kanilang mga news stories ay matutunghayan sa mga peryodiko. Nakatutuwang mabatid na ang ilan sa kanila ay mga station managers na, ang iba naman ay mga editor. At patuloy ang pagtanggap sa kanila ng iba’t ibang media outfit dahil sa mga kaalamang natamo nila sa unibersidad.
Ang mga pagsisikap upang tumatag ang PUP ay natitiyak kong nagsimula noong dekada ‘60 nang ito ay Philippine College of Commerce (PCC) pa lamang. Pinamumunuan ito ni Dr. Nemesio Prudente -- ang itinuturing na President Emeritus. Sa kabila ng sunud-sunod na mga protest rally na buong kalupitang binubuwag ng mga alagad ng batas, lalong maigting ang pagsusulong ni Prudente ng mga makabayang simulain sa kolehiyo noong hindi pa idinedeklara ang martial law.
Sa bahaging ito, hindi ko malilimutan ang naranasan kong police brutality. Bigla na lamang akong sinakal ng pulis at pinagpupunit ang aking press ID. Isang dahilan ito kung bakit ang PUP ay naging bahagi ng aking buhay bilang isang mamamahayag.
Isang makabuluhang pagbati sa PUP anniversary -- sa Pangulo at iba pang opisyal nito, sa mga kawani at higit sa lahat, sa mga estudyante na natitiyak kong panggagalingan ng mga kawani na kailangan ng mga tanggapan.
-Celo Lagmay