Lumapag na sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang Philippine Government-chartered flight lulan ang 442 Pinoy mula sa United Arab Emirates nitong Sabado, Marso 14.
Ibinahagi ni Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac sa kaniyang social media account ang pag-uwi ng mga Pilipino mula sa UAE.
"We have landed. 442 Filipinos from the UAE on the PHL Government-chartered B747-400 flight as directed by President Bongbong Marcos are home," ani Cacdac.
Ayon sa DMW, kabilang sa 442 Pinoy na nakauwi kaninang 12:00 PM ang mahigit 200 Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinalubong sila ng iba't ibang government agencies na pinangungunahan ng DMW, kasama ang OWWA, DSWD, DOH, TESDA, at Bureau of Immigration.
"Ang ligtas na pagbabalik ng ating mga kababayan na naipit sa Middle East Crisis ay tugon sa utos at bahagi ng Post Repatriation Assistance ng pamahalaan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.," dagdag pa ng DMW.
Samantala, may isa pang charter flight ang inaasahang lalapag sa NAIA sa Linggo, Marso 15, lulan ang 341 OFWs mula sa Saudi Arabia, Kuwait, at Bahrain, ayon sa Overseas Workers Welfare (OWWA).