LUMALABAS na ngayon ang katotohanan tungkol sa kontrobersiyal na P52-bilyon pork barrel na isiningit umano sa P3.757-trilyon national budget. Ibinunyag ni ex-Majority Leader Rep. Rodolfo Fariñas ng Ilocos Norte, kaalyado ni ex-Speaker Pantaleon Alvarez, na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang nagsumite ng national budget na naglalaman ng P52-bilyon pondo para sa mga pet project daw na malapit sa kanya.
Nagsisimula nang “kumanta” ang kampo ni ex-Speaker Bebot na nabigla at nagulantang sa pagpapatalsik sa kanya sa trono ng Kamara sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ng ating Pangulo noong Hulyo 25. Akalain mong pinatalsik na pala siya ay hindi pa niya alam, kaya siya pa ang sumalubong kay Mano Digong pagdating sa Batasan Complex.
Ayon kay Fariñas, ang mga proyekto na popondohan ng P52 bilyon ay nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP). “Lahat ng nasabing mga proyekto ay nasa NEP na isinumite ng Pangulo,” paglalahad ni Fariñas, na nasibak din bilang House Majority Floor leader.
Lumalabas na ang P52-bilyon pork barrel ay mismong ang Malacañang ang nagsingit sa 2019 budget bilang pork barrel para sa mga paboritong kongresista ng Pangulo at ni dating Speaker Alvarez.
Samakatuwid, sapantaha ng taumbayan na ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob noon ni Alvarez na pagsabihan at atasan ang mga kongresista at pasunurin sa gusto niya at ni Fariñas dahil nga sa bilyun-bilyong pork barrel. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit sunud-sunuran ang Kamara kay PRRD.
Gayunman, hindi pahihintulutan ng Senado na higit na independent-minded kaysa Kamara na isa raw “rubber stamp” ng Palasyo, na makalusot ang P52-bilyon pork barrel. Haharangin ito ni Senator Panfilo Lacson na galit na galit sa pork barrel, at ng minority bloc, sa pamumuno ni Sen. Franklin Drilon. Nagbanta pa si Drilon na kung kailangan niyang mag-filibuster, gagawin niya ito upang mahadlangan ang nakahihiyang pork barrel. In fairness sa Kamara, itinanggi ni House committee on appropriations chairman Rep. Karlo Nograles ng Davao City, na walang pork barrel sa 2019 budget.
oOo
Parang nagagalit ang kalikasan sa mahal nating Pilipinas. Nanalasa ang bagyong ‘Ompong’ sa Northern Luzon. Maraming buhay ang nawala sa pagguho ng isang bunkhouse sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet. Sa Naga City sa Cebu, nagkaroon din ng landslide na ikinamatay ng maraming tao.
Samantala, nananalasa rin ang inflation sa bansa. Mataas ang presyo ng mga bilihin (na isinisisi ng ilang sektor) sa TRAIN law (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Kapos sa supply ng bigas (na itinatanggi ni Agriculture Sec. Manny Piñol), tumaas ang presyo ng asukal at harina na naging dahilan ng pag-impis at pagliit ng pandesal.
Hanggang kailan magtitiis ang mga Pinoy? Kailan matatamo ang pagbabago? Higit na makabubuting iwasan muna ang pamumulitika, kalimutan si Sen. Antonio Trillanes IV, hadlangan ang pagpupuslit ng bilyun-bilyong pisong shabu sa Bureau of Customs (BoC), hulihin at usigin ang mga drug lord, suppliers, protectors, at huwag pagdiskitahan ang ordinaryong mga pusher at user.
-Bert de Guzman