DALAWANG taon ang ipinaghintay ni Justine Baltazar para sa pagkakataong maipamalas ang ningning ng kanyang performance.

Sa unang dalawang taon sa De La Salle University, nagsilbing anino ang 6-foot-7 big man ng kanilang dating Cameroonian center na si Ben Mbala at nakuntento sa limitado niyang minuto.

Sa pagkawala ni Mbala, nagsimula ng kuminang ang bituin ng dating Juniors Finals MVP.

Siya ang nagsilbing bayani ng La Salle sa una nilang panalo ngayong Season 81, at naging sandigan para makamit ang ikalawang sunod na panalo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kontra National University noong Miyerkules, nagposte si Baltazar ng double-double 17 puntos at 12 rebounds.

Naging susi siya nang maisalpak ang pahirapang baseline jumper tungo sa 78-76, panalo sa Bulldogs.

Apat na oras matapos ito, umiskor si Baltazar ng 16 puntos, 14 rebounds, at 3 blocks para pamunuan ang La Salle sa 82-72 panalo kontra University of the East.

Dahil dito, kinilala si Baltazar bilang Chooks-to-Go/UAAP Press Corps Player of the Week.

“Trabaho lang kami sa training, at saka sa game,” ani Baltazar. “Sabi ni coach, huwag kaming mag-relax kahit UE kalaban naming,” aniya.

Hindi naman ikinagulat ni La Salle coach Louie Gonzalez ang ipinakita ni Baltazar dahil inaasahan niyang magiging maganda laro nito ngayong Season 81.

“Ngayon, china-challenge ko siya. Noong January pa lang, and now na talagang nailagay na siya sa limelight, it’s a change of lifestyle for him,” wika ni Gonzalez. “It can’t be only na naglalaro siya ng basketball - he also has to take care of himself, and he has to take care of his nutrition, rest, and image.”

Sa una nilang tatlong laro, nag-average si Baltazar ng double-double 13.7 puntos at 11.7 rebounds, bukod sa 1.7 blocks per game para sa La Salle.

Tinalo ng 21-anyos na si Baltazar ang teammate na si Aljun Melecio, Adamson University hotshot Jerrick Ahanmisi, at Far Eastern University slotman Prince Orizu para sa lingguhang citation.

-Marivic Awitan