Gov. Singson, bagong oposisyon sa POC; karapatan ng atleta ipaglalaban
Ni EDWIN ROLLON
HANDA si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na pamunuan ang liderato ng Philippine Olympic Committee (POC). Ngunit, walang dapat ipagamba ang kasalukuyang POC president na si Ricky Vargas
Inamin ni Singson na maraming national sports association (NSAs) ang hindi kontento sa pamunuan ni Vargas, ngunit para sa Philippine Shoooting Association president pagkakaisa at tamang pag-uusap ang kailangan para maiparating ang kanilang hinaing.
“Willing akong pamunuan ang kapwa ko sports leaders para kausapin si Mr. Vargas privately. Yung isyu kasi ng pagpapabaya sa mga NSAs. Sa ating mga atleta, yung isyu na kulang yung supply at equipment kailangang maresolba ito,” pahayag ni Singson.
“If, walang mangyari sa usapan. I personally raised the issue during the POC General Assembly meeting,” ayon kay Singson sa isinagawang media briefing.
Nagkaroon muna nang pagpupulong si Singson sa ilang opisyal ng NSAs, sa pangunguna ni dating POC chief at equestrian president Jose ‘Peping’ Cojuangco sa Happy Life yacht ni Singson sa Manila Yacht Club.
Dumating din sa pulong ang mahigit isang dosenang NSAs chief kabilang sina Steve Hontiveros ng bowling, Becky Garcia ng dance sports, POC treasurer Julian Camacho ng wushu, at dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia.
Iginiit ni Singson na wala siyang planong mamulitika, ngunit hindi niya matalikuran ang hinaing ng mga atleta.
“Lalo na next year host tayo sa SEA Games. Paanong makaka-perform ang ating mga atleta kung kulang sa supply, training at tulong ng POC at PSC. Kami nga sa shooting, yung mga atleta namin kulang talaga sa bala, pero kahit papaano may konti kaming pondo, inaabonohan ko na lang muna. Eh! paano yung iba na walang mapagkunan,” pahayag ni Singson.
Kung may plano ang grupo ni Singson na mapatalsik sa puwesto si Vargas ( na agad namang itinanggi ng Gov.) may balakid dahil, ayon kay dating POC special assistant to the president at Patafa chief Go Teng Kok, bawal sa constitution ng POC na patalsik ang current POC chairman na naninilbihan na wala pang isang taon.
Sakaling tatakbo si Singson sa POC election sa 2020, hindi rin kwalipikado ang Gov. dahil kailangan niyang magkaroon ng residency na apat na taon. Nitong Abril lamang nahalal na pangulo ng shooting association si Singson.
“But if he (Singson) have the number. That the majority supports him, everything can happen. Ibang usapan na ‘yun,” pahayag ni Go.