Inatasan ni na Department of Finance (DoF) Secretary Carlos Dominguez III ang Bureau of Customs (BoC) na ilabas ang nakumpiskang mga bigas at iba pang pagkain upang maipamahagi sa naapektuhan ng bagyong “Ompong” sa Northern Luzon.
Aniya, ibibigay ng BoC sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nakumpiskang smuggled rice na gagamitin bilang relief goods para sa mga naapektuhan ng kalamidad sa nasabing rehiyon.
Ang direktiba ay bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiyakin ang pinakamataas na antas ng paghahanda laban sa bagyo.
Kahapon, nag-umpisa nang hagupitin ng bagyo ang bahagi ng Isabela.
Ngayong araw, inaasahang tatama ang bagyo sa Cagayan at inaasahang magdadala ng malakas na pag-ulan sa loob ng 900-kilometrong radius nito.
Iniulat ni Lapeña sa DoF na ang tanggapan ay nakakumpiska ng kargamentong naglalaman ng 50,000 sako ng bigas, na tinatayang nasa P125 milyon halaga, sa Manila International Container Port (MICP) noong Hulyo.
-Mina Navarro